May 20, 2026 | News by PISD

𝗟𝗶𝗺𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗪𝗖𝗖 𝗔𝗿𝗰𝗵𝗶𝘁𝗲𝗰𝘁𝘂𝗿𝗲 𝘀𝘁𝘂𝗱𝗲𝗻𝘁𝘀, 𝘄𝗮𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗧𝗵𝗲 𝗙𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝗧𝗶𝗺𝗲𝘀 𝗚𝗹𝗼𝗯𝗮𝗹 𝗦𝘁𝘂𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗖𝗼𝗺𝗽𝗲𝘁𝗶𝘁𝗶𝗼𝗻 𝟮𝟬𝟮𝟲
Nakapag-uwi ng mataas na karangalan para sa kanilang paaralan at sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro ang limang (5) mag-aaral ng Divine Word College of Calapan matapos makuha ang titulong Best Overall Project for Urban and Landscape Design sa katatapos lamang na The Filipino Times Global Student Competition 2026.
Panalo ang grupo nina Joemmel Magnaye, Harold De Guia, Harvih Iya Victoriano, Joanne Magnaye at Arth Emmanuelle Guntan, pawang Bachelor of Science in Architecture students (BS Arch) sa kanilang konseptong 25 Years Urban at Tourism Masterplan para sa Barangay Ibaba West at East sa Lungsod ng Calapan na pinamagatang “La Isla de Mina.”
Ayon sa disenyo at malikhaing konsepto ng grupo, layunin nilang gawing likas-kaya at tourism-driven waterfront community ang mga nasabing barangay. Kasama sa plano ang paglalagay ng bike lanes, green corridors, murals, pampublikong espasyo at mga imprastrakturang kontra-baha na pinaniniwalaan nilang sagot sa matagal nang nararanasang problema sa lugar.
Habang patuloy ang pag-unlad ng Lungsod ng Calapan, umaasa sila na ang proyektong ito ay magsisilbing inspirasyon para sa mga susunod na urban development dito.
Sa kanilang pagkapanalo, pinatunayan nilang maaaring magkaroon ng malaking ambag ang mga kabataan sa pagbuo ng makabagong ideya at makakalikasang konsepto tungo sa mas progresibo at likas-kayang mga komunidad.
