May 14, 2026 | News by PISD


𝗠𝗮𝗮𝘆𝗼𝘀 𝗮𝘁 𝗲𝗽𝗲𝗸𝘁𝗶𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗺𝗶𝗰𝗿𝗼 𝗰𝗼𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝘃𝗲 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗜𝘀𝗶𝗻𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗣𝗖𝗗𝗢
14 Mayo 2026, Lungsod ng Calapan – Isinusulong ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ang maayos at epektibong pamamahala ng mga micro cooperative sa lalawigan sa pamamagitan ng isinasagawang dalawang (2) araw na mandatory training sa Kapitolyo.
Ito ay bilang pagtalima ng Pamahalaang Panlalawigan sa Memorandum Circular No. 2015-09 ng Cooperative Development Authority (CDA) na layong higit pang palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga opisyal at myembro ng mga kooperatiba sa usaping pamamahala at paggamit ng shared capital sa pamamagitan ng pagsasanay.
Sa ikalawa at huling araw ng pagsasanay, nakatuon ang talakayan sa paksang Cooperative Governance and Management of Micro Cooperatives na pinangunahan ni PCDO Supervising Cooperative Development Specialist Cristian B. De Ade.
Alinsunod sa direktiba ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor na higit pang palakasin ang mga kooperatiba sa lalawigan, pursigido ang PCDO sa pangunguna ni PCD Officer Orlando B. Tizon na umasiste sa mga ito.
Samantala, nakasaad sa Philippine Cooperative Code of 2008 na mahalaga ang pagsasagawa ng ganitong mga pagsasanay upang mabigyan ng sapat na edukasyon at kasanayan ang bawat kasapi at opisyal ng mga kooperatiba tungo sa pangmatagalang pag-unlad ng kani-kanilang samahan.
