May 12, 2026 | News by PISD


𝟯𝟯 𝗕𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗿𝗮-𝗧𝗲𝗮𝗰𝗵𝗲𝗿𝘀 𝗶𝗱𝗶-𝗱𝗲𝗽𝗹𝗼𝘆 𝘀𝗮 𝗜𝗣 𝗰𝗼𝗺𝗺𝘂𝗻𝗶𝘁𝗶𝗲𝘀 𝘀𝗮 𝗢𝗿𝗶𝗲𝗻𝘁𝗮𝗹 𝗠𝗶𝗻𝗱𝗼𝗿𝗼
12 Mayo 2026, Lungsod ng Calapan – Pormal nang sumailalim sa proseso ng deployment ng Pamahalaang Panlalawigan ang 33 bagong Para-Teachers na magsisilbing guro sa mga lugar na saklaw ng pitong tribu ng Indigenous Peoples (IP) o Katutubong Mangyan sa ilalim ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) ni Governor Bonz Dolor.
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataong matutong bumasa, sumulat at magbilang ang mga katutubo, kabilang ang mga senior citizen sa malalayong komunidad.
Bahagi ng deployment ang orientation na isinagawa ng Provincial Human Resource and Management Office (PHRMO) at pamamahagi ng instructional materials ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO).
Isinusulong ni Gov. Bonz Dolor ang programa dahil sa kanyang hangarin na sa taong 2028, walang maiwang Katutubong Mangyan na hindi marunong bumasa at sumulat. Para sa Gobernador, mahalagang maramdaman ng bawat IP community na sila ay bahagi ng pag-unlad ng lalawigan at may pantay na pagkakataong matuto at umasenso sa buhay.
Sa pamamagitan din ng programa, magiging mas mulat ang mga katutubo sa kanilang mga karapatan, kalusugan, kabuhayan at iba pang oportunidad na makatutulong sa kanilang pag-unlad. Magkakaroon din sila ng mas malaking kumpiyansa sa pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa lipunan.
Ayon kay Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Bokal Lagtum Pasag, mahalagang hakbang ang programa upang maabot ng edukasyon ang mga IP community sa malalayong lugar habang napapanatili ang kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Ayon naman kay Madam Noralyn Harina ng Sitio Pawikan, Barangay Nasucob, Bulalacao, isa sa mga Para-Teachers, marami sa kanilang lugar ay nagnanais matutong bumasa, bumilang at sumulat at batid niyang mahalagang matutunan nila ito.
“Kung wala ang programang ito ni Gov. Bonz, hindi sila matututong pumirma sa mga kailangang dokumento,” aniya.
Binigyang-diin din niyang hindi sya tumingin sa laki ng sahod kundi ang naisin niya’y matulungang matuto ang kanyang mga estudyante.
Kabilang din sa bagong batch ng Para-Teachers si Madam Maria Teresa M. Royan, isang lisensyadong guro na itinalaga sa Sitio Bait, Panaytayan, Mansalay. Nagpapasalamat aniya, siya, sa programang ito dahil matutulungan niya ang kanyang kapwa katutubo na matuto habang naghihintay naman sya na makapagserbisyo din bilang regular na guro.
Samantala, katuwang ng PPESO sa implementasyon ng programa ang Provincial Planning and Development Office (PPDO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Health Office (PHO) at iba pang konsernadong tanggapan bilang bahagi ng Technical Working Group ng programa.
Sumuporta sa gawain sina NCIP-MIMAROPA Regional Director Joemer M. Samong, NCIP Provincial Head Jay Garcia , at ZIIP Program Manager Myrna Jimenez.
