123 Oriental Mindoreños, sinanay ng PGOM at DOLE Skills Training

May 5, 2026 | News by PISD

123 ORIENTAL MINDOREÑO, SINANAY SA PGOM AT DOLE SKILLS TRAINING

05 Mayo 2026, Lungsod ng Calapan – Pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang matatag na ugnayan sa patuloy na paghahatid ng tulong pangkabuhayan matapos makinabang ang 123 mga indibidwal sa isinagawang skills training sa Kapitolyo ngayong araw, Mayo 5.

Layunin ng programa na bigyan ng dagdag oportunidad ang mga mamamayan na magkaroon ng kaalaman at kasanayang magagamit sa paghahanapbuhay.

Isa sa mga benepisyaryo si Mary Jane Luzon ng Brgy. Balite, Lungsod ng Calapan na matagal nang nasa larangan ng manicure services. Aniya, malaking tulong ang programa upang higit pa niyang mapahusay ang kanyang kakayahan at makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa kanyang mga kliyente.

Patunay naman ng tuluy-tuloy na oportunidad ang naging karanasan ni Eugene C. Adeva na mula sa pagiging benepisyaryo ng TUPAD noong pandemya ay isa na ngayong trainer sa cosmetology. Ipinahayag niya ang pasasalamat sa PGOM at DOLE sa pagbibigay-daan upang maibahagi niya ang kanyang kaalaman at makatulong din sa iba.

Ayon kay PGDH–Provincial PESO Manager Antonio Magnaye Jr., patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lalawigan sa DOLE upang mapalawak pa ang ganitong mga programa. Sa pangunguna ni Governor Bonz Dolor, sinisiguro aniya ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) na ang mga inisyatibang tulad nitoo ay nagiging daan upang higit na mapalakas ang kakayahan ng mga Orietal Mindoreño tungo sa mas matatag na kabuhayan.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 733 benepisyaryo sa buong lalawigan ang patuloy na natutulungan ng programa sa iba’t ibang larangan tulad ng housekeeping, haircutting, agricultural crop production, urban community gardening, cosmetology, at hilot wellness massage na mga kursong maituturing na may agarang potensyal na pagkakitaan.

Samantala, ang gawaing ito ay magkatuwang na itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng PPESO at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/1NPkMTuDQc/

Scroll to Top