Kalusugan ng mga empleyado, tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan

April 30, 2026 | News by PISD

“Nalalaman ko po yung sakit ng maagap. Sobrang nakakatulong po ito sa empleyado, nagpapasalamat po kami. – Annabelle Ellaga, AAI, PBO”

Patuloy na pinapahalagahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro (PGOM), sa pakikipagtulungan sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH), ang kalusugan at kagalingan ng mga empleyado sa pamamagitan ng isang programang medikal na nakatuon sa serbisyong pangkalusugan at pag-iwas sa sakit. Ang inisyatibong ito ay pinalalakas pa ng pakikipag-ugnayan sa PhilHealth sa ilalim ng YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program), na layuning gawing mas abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan para sa mga empleyado.

Pinangunahan ang programa ni Dr. Patricia Caballero, Medical Specialist I at YAKAP-accredited primary physician ng OMPH, na nagbigay ng propesyonal na konsultasyong medikal at gabay sa buong aktibidad.

Bukás para sa mga permanent at non-permanent na empleyado, umabot sa 30 ang mga nakinabang sa programang pangkalusugan at wellness. Labing-walo (18) ang sumailalim sa blood chemistry testing, habang labindalawa (12) naman ang nabigyan ng general check-up at ECG (electrocardiogram). Layunin ng mga serbisyong ito ang maagang pagtuklas ng mga posibleng sakit, pagtataguyod ng preventive care, at paghikayat sa mga empleyado na maging mas maagap sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.

Ipinapakita ng programang ito ang patuloy na dedikasyon ng PGOM sa pagtaguyod ng mas malusog at mas produktibong hanay ng mga empleyado sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang serbisyong medikal. Sa patuloy na pakikipagtulungan sa OMPH at PhilHealth, sinisiguro ng pamahalaang panlalawigan na ang kalusugan ay nananatiling prayoridad at upang mapalakas ang kakayahan ng bawat empleyado na makapaglingkod sa komunidad nang may lakas at sigla.

#pgomhealthandwellness#philhealth#omph

Source: https://www.facebook.com/share/p/1CQdyrNv31/

Scroll to Top