Mas pinaigting na pangangalaga sa yamang baybayin, isinusulong sa PCRA Training

April 29, 2026 | News by PISD

𝐏𝐚𝐫𝐭𝐢𝐜𝐢𝐩𝐚𝐭𝐨𝐫𝐲 𝐂𝐨𝐚𝐬𝐭𝐚𝐥 𝐑𝐞𝐬𝐨𝐮𝐫𝐜𝐞 𝐀𝐬𝐬𝐞𝐬𝐬𝐦𝐞𝐧𝐭 (𝐏𝐂𝐑𝐀) 𝐓𝐫𝐚𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠

📆 April 20-23, 2026

📍 Parang Beach Resort, Calapan City

Isinagawa ang apat na araw na Participatory Coastal Resource Assessment (PCRA) Training mula Abril 20 hanggang 23, 2026 sa Parang Beach Resort, Calapan City, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan at coastal stakeholders sa pangangalaga at napapanatiling pamamahala ng yamang baybayin.

Dinaluhan ang nasabing pagsasanay ng mga Coastal Resource Management/Fishery Coordinators, mga Chairperson ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC), at mga miyembro ng Bantay Dagat mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Layunin nitong pag-ibayuhin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa pangangalap, pagsusuri, at paggamit ng datos kaugnay ng kalagayan ng coastal at marine ecosystems.

Sa loob ng pagsasanay, tinalakay ang mahahalagang konsepto at teknikal na pamamaraan sa PCRA, kabilang ang community-based data gathering, ecosystem assessment, at participatory planning. Binigyang-diin din ang mahalagang papel ng komunidad sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan at sa pagpapanatili ng balanseng ekolohikal ng mga baybayin.

Kabilang sa mga naging gawain ang mga lecture sessions, workshop, at field exercises na nagbigay-daan sa aktwal na aplikasyon ng PCRA methods. Kabilang dito ang pagsusuri ng mga coral reefs, seagrass beds, at mangrove areas, na nagbigay sa mga kalahok ng praktikal na karanasan sa coastal resource assessment at management planning.

Ang resulta ng PCRA ay magsisilbing pangunahing batayan sa pagbuo at pag-update ng Integrated Coastal Resource Management (ICRM) Plans ng mga coastal municipalities, na gagabay sa policy formulation, zoning, conservation initiatives, enforcement mechanisms, at sustainable livelihood programs.

Ang aktibidad ay naging posible sa pakikipagtulungan at suporta ng Conservation International Philippines at ng Provincial Agriculturist’s Office. Sa pamamagitan ng naturang partnership, higit na napalakas ang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan, lokal na pamahalaan, at mga development partners sa pagsusulong ng inistyatiba sa sustainable coastal resource management

Inaasahan na ang mga kaalamang nakuha ng mga kalahok ay magagamit sa mas epektibong implementasyon ng mga programang pangkalikasan sa kani-kanilang mga lugar, tungo sa pangmatagalang pangangalaga at pagpapanatili ng yamang-dagat para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1DbWvbKxM4/

Scroll to Top