April 23, 2026 | News by PISD

𝐏𝐢𝐧𝐚𝐦𝐚𝐥𝐚𝐲𝐚𝐧, 𝐤𝐚𝐦𝐩𝐞𝐨𝐧 𝐬𝐚 𝐌𝐚𝐲𝐨𝐫 𝐚𝐧𝐝 𝐆𝐨𝐯𝐞𝐫𝐧𝐨𝐫’𝐬 𝐂𝐮𝐩 𝐈𝐧𝐭𝐞𝐫𝐭𝐨𝐰𝐧 𝐒𝐨𝐟𝐭𝐛𝐚𝐥𝐥 𝐓𝐨𝐮𝐫𝐧𝐚𝐦𝐞𝐧𝐭
23 Abril 2026, Pinamalayan – Itinanghal na kampeon ang koponan ng Pinamalayan sa ginanap na kauna-unahang Mayor and Governor’s Cup Inter-town Softball Tournament sa Juan Morente Sr. Memorial Pilot School.
Tumanggap ang Pinamalayan ng ₱265,000 cash prize at tropeo. Pagkakalooban din sila ng ₱1M halaga ng proyekto mula sa Pamahalaang Panlalawigan bilang bahagi ng kanilang premyo.
Nakamit ng Tambong Spring Fuel ng Gloria ang First runner-up na tumanggap ng ₱100,000 at tropeo. Nasungkit naman ng bayan ng Bansud ang pwesto bilang Second runner-up na tumanggap ng ₱75,000 at tropeo. Third runner-up naman ang Papandungin, Gloria na nakakuha ng ₱50,000 at tropeo. Tumanggap din ng ₱20,000 consolation prize ang mga di nagwaging koponan.
Pinangunahan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor at kanyang maybahay Hiyas Govinda Ramos-Dolor, katuwang sina Pinamalayan Mayor Rodolfo M. Magsino at Vice Mayor Aristeo Baldos Jr., ang pagkakaloob ng tropeo at cash prize.
Ang nasabing sports competition ay bahagi ng inisyatiba ng pamunuan ni Gobernador Bonz katuwang ang Sangguniang Panlalawigan para sa higit pang pagpapalakas ng mga programa sa sports sa lalawigan.
