April 22, 2026 | News by PISD

𝗕𝗮𝗸𝘂𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗼𝗺𝘂𝗻𝗶𝗱𝗮𝗱, 𝗶𝘀𝗶𝗻𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗪𝗼𝗿𝗹𝗱 𝗜𝗺𝗺𝘂𝗻𝗶𝘇𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗪𝗲𝗲𝗸 𝟮𝟬𝟮𝟲
22 Abril 2026, Lungsod ng Calapan – Mas protektadong kalusugan para sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kaalaman ng health workers ukol sa serbisyong bakuna.
Ito ang isinusulong sa pagdiriwang ng World Immunization Week 2026 sa lalawigan ngayong araw na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan ng Provincial Capitol.
Pinangunahan ang programa ng Department of Health (DOH) – Center for Health Development MIMAROPA, katuwang ang Provincial DOH Office (PDOHO) at Provincial Health Office (PHO).
Dito, nanawagan ang mga nasabing ahensya sa Barangay Health Workers (BHWs) at Barangay Nutrition Scholars (BNS) na mas palawigin pa ang mga hakbang na isinasagawa sa bawat komunidad.
Ito ay upang matiyak na nabibigyan ng kaukulang bakuna ang mga residente laban sa mga mapanganib na sakit tulad ng Human papillomavirus (HPV), Tetanus at iba.
Sa programa, binigyang-diin ni PDOH Officer Dr. Ramon C. Bombais na mahalagang mapalaganap sa publiko ang kahalagahan ng pagbabakuna sa pagtitiyak na ligtas at malusog ang kalusugan ng bawat pamilya.
Tiniyak din ni PHO II at OMPH-OIC Chief of Hospital Dr. Cielo Angela Ante na ligtas at epektibo ang mga bakunang ibinibigay sa publiko sapagkat dumaan ito sa maingat na pagsusuri at kinakailangan lamang ng sapat at tamang pagpapalaganap ng impormasyon upang mapalakas ang tiwala ng mga mamamayan at mahikayat silang magpabakuna.
Aniya pa, kabilang dito ang mas malalim na pakikipag-ugnayan at pag-unawa sa kultura ng mga katutubo upang maipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng bakuna at mapawi ang kanilang pangamba.
Bago matapos ang programa, nagsagawa ng ceremonial vaccination sa mga sanggol at buntis upang maipakita na ligtas ang mga bakunang itinuturok sa mga mamamayan.
Bukod dito, nagbigay rin ng libreng serbisyo para sa pagpaparehistro sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), First Patient Encounter (FPE) at Member Data Record (MDR) ang PhilHealth.
Libreng HIV Counseling and Testing naman ang hatid ng Purple Rain Clinic at Sustain Health Initiative of the Philippines.
