Gov. Dolor, patuloy na susuportahan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga mag-aaral

April 16, 2026 | News by PISD

16 Abril 2026, Pinamalayan – Nakipagkumustahan si Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor sa mga mag-aaral na kolehiyo mula sa mga bayan ng Gloria, Pinamalayan, Bansud at Pola ngayong ika-16 ng Abril.

Batid ng Punong Lalawigan na sa kasalukuyang nangyayaring krisis sa langis, kasabay ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, apektado ang lahat ng sektor sa bansa. Kasama na rito ang sektor ng edukasyon na kinabibilangan ng mga mag-aaral na araw-araw bumibyahe papunta sa kani-kanilang paaralan.

Dahil dito, inanunsyo ni Gobernador Dolor na handang magkaloob ang kanyang tanggapan ng allowance sa mga ito.

Gayundin, magkakaloob din siya ng review assistance sa mga mag-aaral na magtatapos ngayong taon na kumukuha ng kursong may board exam bilang pag-agapay ng Pamahalaang Panlalawigan.

Sa gitna ng hamon ng panahon, patuloy na gumagawa ng paraan ang Pamahalaang Panlalawigan na matulungan at patuloy na maagapayan ang mga mamamayan.

Samantala, nakiisa rin sa gawain at nagpaabot ng suporta sa sektor ng edukasyon sina Bise-Gobernador Antonio S. Perez Jr. at Pinamalayan Mayor Rodel Magsino.

#TheCapitolNews

Source: https://www.facebook.com/share/p/17RYtyHLr9/?mibextid=wwXIfr

Scroll to Top