Balik-loob: Reintegrasyong Digital Program, inilunsad ng DICT sa Bongabong

April 14, 2026 | News by PISD

BALIK-LOOB: REINTEGRASYONG DIGITAL PROGRAM, INILUNSAD NG DICT SA BONGABONG

14 Abril 2026, Bongabong – Pormal nang inilunsad ang “Balik-Loob: Reintegrasyong Digital Program” ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na naglalayong palakasin ang komunikasyon at gamitin ang teknolohiya bilang bahagi ng kampanya kontra-insurgency.

Magkakatuwang na pinangunahan ang gawain nina DICT Secretary Henry Aguda, Undersecretary Atty. Faye M. De Sagon, at DICT MIMAROPA Regional Director Emmy Lou Delfin. Naging kaagapay rin dito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro, gayundin ang mga konsernadong lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Limang barangay mula sa Oriental at Occidental Mindoro ang mga paunang benepisyaryo ng programa. Isa na rito ang Barangay Sigange ng Bongabong.

Ayon sa mga opisyal ng DICT, layunin ng programa na matulungan ang mga komunidad na apektado ng insurgency sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman sa digital literacy at iba pang ICT-based opportunities.

Kasabay ng paglulunsad, nagkaloob ang DICT ng 10 units ng computer sets na may internet connectivity para sa Barangay Sigange, na magsisilbing pangunahing kagamitan sa pagsasanay at pagpapaunlad ng digital skills ng mga benepisyaryo ng programa.

Binigyang-diin ni DICT Secretary Henry R. Aguda ang patuloy na pagpapalawak ng ICT infrastructure sa rehiyon. Kaakibat nito ang hakbang upang makipag-ugnayan sa telecommunications providers para sa posibleng pagpapababa ng internet costs sa MIMAROPA, na inaasahang magpapalawak pa ng access sa digital services sa mga liblib na lugar.

Ipinahayag naman ni Gobernador Humerlito Bonz Dolor ang matibay na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa programa at nagbigay ng komitment sa pagpapatayo ng gusaling laan para sa proyekto. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at partisipasyon ng komunidad sa mga programang pangkaunlaran, na aniya ay susi sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at progreso sa lalawigan. Gayundin, ang mahalagang papel ng internet connectivity ukol dito. Kasabay nito, nanawagan din siya sa mga pangunahing telecommunication companies na magpatayo ng karagdagang cell sites sa mga lugar tulad ng Sigange upang mas mapalakas ang internet access na mahalaga sa implementasyon ng programa.

Nagpahayag din ng buong suporta sina First District Representative Atty. Arnan C. Panaligan at Second District Alfonso V. Umali Jr., kasama ang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, gayundin ang mga opisyal ng Philippine National Police- PRO MIMAROPA at Philippine Army.

Sinaksihan ang gawain ng mga punumbayan mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro, mga pangunahing benepisyaryo ng programa. Gayundin, ng ilang lokal na opisyal mula sa Occidental Mindoro na kabilang sa limang unang barangay na itinakdang pilot areas ng DICT.

Samantala, ang inisyatiba ay bahagi ng mas malawak na programa ng ahensya na naglalayong isulong ang digital inclusion at gamitin ang komunikasyon bilang instrumento sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng kapayapaan sa mga komunidad.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/1C5LVhCeSC/

Scroll to Top