April 13, 2026 | News by PISD

𝗕𝗼𝘀𝗲𝘀 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗞𝗼𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝗯𝗮 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗗𝗶𝗻𝗶𝗻𝗶𝗴
13 Abril 2026, Lungsod ng Calapan – Malayang ipinahayag ng mga kinatawan ng iba’t ibang kooperatiba sa lalawigan ang kanilang mga suliranin, isyu, hinaing at suhestiyon kay House Committee on Cooperatives Development Chairperson Felimon M. Espares sa isinagawang consultative meeting ngayong ika-13 ng Abril sa Tamaraw Hall ng Kapitolyo.
Nakiisa sa gawain ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga stakeholder at mga kinatawan ng iba’t ibang kooperatiba sa Unang Distrito.
Tinalakay sa pagpupulong ang ilang mga programang maaaring isulong sa Kongreso para sa inklusibong pag-unlad ng mga kooperatiba sa buong bansa.
Ipinaunawa naman ni Cooperatives – National Confederation of Cooperatives (COOP NATCCO) Partylist Chief-of-Staff Randy Laundres sa bawat dumalo ang kanilang isinusulong na House Bill 2416 na naglalayong amyendahan ang ilan sa nilalaman ng Republic Act No. 9520 o mas kilala bilang Philippine Cooperative Code of 2008.
Itinuturing itong isang malaking hakbang upang higit pang mapalakas ang sektor ng kooperatiba sa lalawigan at madinig ang kanilang boses na magiging matibay na basehan sa paggawa ng mga programa at polisiyang tutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Samantala, pinangasiwaan ang gawain ng mga kawani ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO), sa pangunguna ni PCD Officer Orlando B. Tizon.
