April 12, 2026 | News by PISD

𝗠𝗮𝗵𝗶𝗴𝗶𝘁 𝟳𝟬𝟬 𝗠𝗼𝘁𝗼𝗿𝗶𝘀𝘁𝗮 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗡𝗮𝗸𝗶𝗶𝘀𝗮 𝘀𝗮 𝗜𝗸𝗮-𝟭𝟱 𝗨𝗻𝗶𝘁𝘆 𝗥𝗶𝗱𝗲
12 Abril 2026, Pola — Mahigit 700 motorista mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Oriental Mindoro ang nakiisa sa isinagawang ika-15 taon ng Unity Ride, na layuning palakasin ang pagkakaisa at isulong ang kaligtasan sa kalsada.
Sama-samang bumiyahe ang riders community sa lalawigan na nagsimula sa Lungsod ng Calapan patungong bayan ng Pola.
Personal namang nagpaabot ng suporta sa lahat sina Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, Bise-Gobernador Antonio S. Perez Jr., at Pola Mayor Jennifer Alegre-Cruz.
Nakiisa rin sa gawain sina First District Board Member Ryan Z. Arago at Highway Patrol Group (HPG) Regional Director PCOL Christian V. Dela Cruz.
Ang makasaysayang unity ride na ito ay pinagtulung-tulungang iorganisa ng iba’t ibang grupo kabilang ang Unified Troopz Riders Club, Mangyan Triskelion Riders Club Mindoro, Russian Riders Club Philippines, Pinas Tactical Group, Black River Squad Riders Club, Unity Tribe Riders Club, at Triskelion Riders of Mindoro.
Sa loob ng isa at kalahating dekada, nananatiling buhay at maalab ang pagmamahal ng riders community ng lalawigan kasabay ng kanilang tunay na layuning isulong ang ligtas at responsableng pagmo-motorsiklo.
