BASAHIN: Ang opisyal na pahayag ng LGU sa naganap na sunog sa bahagi ng Mt. Halcon

April 8, 2026 | News by PISD

[ READ: OFFICIAL STATEMENT ] 𝗕𝗨𝗦𝗛 𝗔𝗡𝗗 𝗙𝗢𝗥𝗘𝗦𝗧 𝗙𝗜𝗥𝗘 𝗜𝗡𝗖𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧 𝗔𝗧 𝗠𝗧. 𝗛𝗔𝗟𝗖𝗢𝗡, 𝗕𝗔𝗖𝗢, 𝗢𝗥𝗜𝗘𝗡𝗧𝗔𝗟 𝗠𝗜𝗡𝗗𝗢𝗥𝗢

Ang Lokal na Pamahalaan ng Baco ay pormal na naglalabas ng pahayag hinggil sa nagaganap na bush at forest fire sa kabundukan ng Halcon na hanggang sa ngayon ay inaalam pa ang detalyadong naging sanhi, na marahil ay dulot ng init ng panahon at/o pagkakaingin.

Nais naming tiyakin sa publiko na ang inyong pamahalaan ay agarang kumikilos at nagsasagawa ng lahat ng kinakailangang hakbang upang matugunan ang sitwasyong ito sa isang sistematiko, maagap, at estratehikong paraan.

Sa ilalim ng direktiba ng ating Punongbayan, Hon. Allan A. Roldan, isang pagpupulong ang isinagawa kasama ang mga katuwang na ahensya upang balangkasin ang mga konkretong hakbang sa pagsugpo sa sunog. Kaugnay nito, ipinalabas ang isang Executive Order na nag-uutos sa pagbuo ng isang Task Force na tututok sa bush at forest fire, gayundin sa iba pang kaugnay na sakuna. Layunin ng hakbang na ito na pag-isahin ang lahat ng puwersa, kagamitan, at kakayahan ng pamahalaan upang matiyak ang isang organisado, episyente, at epektibong pagtugon.

Batay sa inisyal na ulat ng lokal na pamahalaan kasama ang Bureau of Fire Protection-Baco, ang sunog ay sumasaklaw sa tinatayang lawak na 300 metro x 490 metro. Bagama’t kinikilala ng lokal na pamahalaan ang mga limitasyon sa kasalukuyang manpower at teknikal na kagamitan, nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng bawat mamamayan.

Bilang bahagi ng agarang pagtugon, agad na itinatag ang isang Incident Command Post (ICP) sa Sitio Hulo, Barangay San Ignacio, na may layong humigit-kumulang 453 metro mula sa pinakamalapit na komunidad. Ang estratehikong lokasyong ito ay nagsisilbing pangunahing sentro ng koordinasyon at unang linya ng depensa upang mabilis na matugunan ang anumang posibleng banta sa mga kabahayan.

Kasabay nito, isinasagawa ang mga operasyon tulad ng paglikha ng fire lines o firebreaks sa paligid ng apektadong lugar upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng apoy. Ang bawat desisyong operasyonal ay nakabatay sa masusing risk assessment upang maiwasan ang pinsala sa tao, ari-arian, at kapaligiran.

Hinihiling ng Lokal na Pamahalaan ang pakikiisa at kooperasyon ng bawat mamamayan sa panahong ito. Pinapayuhan ang lahat na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga direktiba ng Task Force at mga lokal na opisyal ng barangay.

Patuloy din ang ating pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ni CENR Officer Rodel Boyles at iba pang nasyunal na ahensya upang makakuha ng karagdagang suporta at tuluyang masugpo ang sunog.

Sama-sama nating pangalagaan ang ating likas na yaman, lalong higit ang kabundukan ng Mt. Halcon.

#NaglilingkodSaBayanParaSaMamamayan

#TatakARyan#MayorAllanRoldan#TeamAlwaysReady2026

Source: https://www.facebook.com/share/p/1CX5pphp8X/

Scroll to Top