Sektor ng kooperatiba, higit na pinalalakas

March 25, 2026 | News by PISD

SEKTOR NG KOOPERATIBA, HIGIT NA PINALALAKAS

25 Marso 2026, Roxas – Patuloy na pagpapalakas sa sektor ng kooperatiba ang layunin ng ikalawang araw ng consultative meeting para sa Education and Training Committee na ginaganap sa Capitol in the South (CITS) sa bayan ng Roxas.

Nakatuon ito sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga miyembro at opisyal ng mga kooperatiba mula sa Ikalawang Distrito, lalo na sa pamamahala sa operasyon ng kanilang mga samahan.

Pinangungunahan ito ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) sa pamumuno ni PGDH-PCDO Orlando B. Tizon, kasama si CDA Legal Officer Atty. Richard E. Ilagan at ilang Municipal Development Officer (MCDO).

Binigyang-diin ni PCDO Tizon na kaalaman ang pangunahing puhunan ng isang kooperatiba, kasabay ng panawagang “learn and earn.”

Aniya, mahalagang maibahagi at magamit ang mga natutunan upang maisulong ang pag-unlad ng samahan.

Tinalakay rito ang pagbuo ng standard training modules at ang kahalagahan ng maayos na organizational structure, komposisyon ng education and training committee at ang kanilang tungkulin bilang mahalagang salik sa pundasyon ng matatag na kooperatiba.

Nagkaroon din ng dayalogo kung saan ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga pangangailangan at hamon, na magiging batayan ng PCDO sa pagdisenyo ng mas angkop na mga programa at pagsasanay sa sektor ng kooperatiba.

Ipinabatid din ni PCDO Tizon na patuloy na nagkakaloob ng libreng pagsasanay ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng kanilang tanggapan.

Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na itaguyod ang edukasyon bilang puhunan at palakasin ang kooperatiba bilang katuwang sa kaunlaran ng Oriental Mindoro.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/1cJPwZw8KB/

Scroll to Top