Boses ng mamamayan, dininig ng NGCP; Isla sa Mindoro, planong ikonekta sa Luzon Grid

March 25, 2026 | News by PISD

𝗕𝗼𝘀𝗲𝘀 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝘆𝗮𝗻, 𝗱𝗶𝗻𝗶𝗻𝗶𝗴 𝗻𝗴 𝗡𝗚𝗖𝗣;

𝗜𝘀𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗠𝗶𝗻𝗱𝗼𝗿𝗼, 𝗽𝗹𝗮𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗶𝗸𝗼𝗻𝗲𝗸𝘁𝗮 𝘀𝗮 𝗟𝘂𝘇𝗼𝗻 𝗚𝗿𝗶𝗱

25 Marso 2026, Lungsod ng Calapan – Dininig at sinagot ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang iba’t ibang katanungan, opinyon, pananaw, pangamba at suhestiyon ng iba’t ibang stakeholder ngayong ika-25 ng Marso kaugnay ng kanilang iminumungkahing proyektong Batangas-Mindoro 500kV Interconnection and Backbone Project (BMIBP) – Submarine Cable na planong itayo ang Substation sa Barangay Parang, Lungsod ng Calapan.

Bahagi ang konsultasyong ito ng Environmental Impact Assessment (EIA) process ng NGCP bilang proponent ng panukalang proyekto.

Bilang tugon sa mga naging puna at rekomendasyon ng mga dumalo sa pagpupulong, itiniyak ng NGCP na isasaalang-alang nila ang lahat ng ito upang mabigyang-solusyon ang mga posibleng negatibong epekto ng proyekto sa kalikasan at pamayanan lalo na sa mga mangingisda sa lugar bago pa man ito maisakatuparan. Anila pa, mahalaga ang bawat opinyon at suhestiyon ng mga mamamayan para sa paggawa nila ng opisyal na Environmental Impact Statement (EIS).

Ayon sa naging presentasyon ng NGCP, magmumula ang ikokonektang kable ng kuryente sa may Pinamucan Station patungong Lobo, Batangas at tatawid sa ilalim ng dagat gamit ang submarine power cables patungo sa itatayong substation sa Lungsod ng Calapan na may habang humigit-kumulang 28 kilometro.

Layunin ng proyektong ito na ikonekta ang isla ng Mindoro sa Luzon Grid upang magkaroon ng maaasahang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente.

Kapag ito ay naisakatuparan, inaasahang mababawasan ang pagdepende ng isla ng Mindoro sa mga diesel power plant at maisulong ang paggamit ng mga renewable energy.

Kabilang sa mga nakiisa sa pagpupulong sina Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II bilang kinatawan ni Gobernador Humerlito A. Dolor, Konsehal Mary Pauline “Mylene” De Jesus ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, mga kawani ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), at iba pang mga residente ng Barangay Parang.

#TheCapitolNews

Source: https://www.facebook.com/share/p/19jZqFso4h/

Scroll to Top