March 24, 2026 | News by PISD

PAGPAPALAKAS AT PAGPAPAUNLAD SA MGA KATUTUBO, ISINUSULONG NG PIPDAC
24 Marso 2026, Lungsod ng Calapan – Itinuturing na mahalagang hakbang para sa pagpapalakas at kaunlaran ng mga katutubong Mangyan ang mga resolusyong napagtibay sa ginanap na First Quarter Meeting ng Provincial Indigenous Peoples Development Advisory Council (PIPDAC).
Pinangunahan ni Provincial IPMR, Sangguniang Panlalawigan Board Member PIPDAC President Lagtum Pasag ang pagpupulong at pinadaloy ni PGOM Consultant Myrna Jimenez. Sinuportahan ito ng National Coalition for Indigenous Peoples (NCIP) sa pangunguna ni NCIP Regional Director Joemer M. Samong.
Nag-ulat ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ukol sa mga programa at serbisyong nakatutok sa sektor ng mga katutubo. Kabilang dito ang usapin sa ancestral domain, kapayapaan at kaayusan, pangangalaga sa kalikasan, kalusugan, kabuhayan, agrikultura, at iba pa.
Bilang bahagi ng pagpapalakas sa kakayahan ng mga lider-katutubo, isinulong din ang capacity building para sa Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMR) upang higit nilang magampanan ang kanilang tungkulin sa pamamahala at representasyon.
Pinagtibay rito ang mga mahahalagang resolusyon kaugnay ng paghiling sa pagtatayo ng Indigenous Peoples Affairs Community Office (IPACO) bilang tanggapan para sa mga usapin ng IP; ang pagtatatag at institusyonalisasyon ng Panlalawigang IPMR League sa NCIP at Department of the Interior and Local Government; ang paglilipat ng tanggapan ng NCIP MIMAROPA sa Lungsod ng Calapan; at paghiling sa Philippine Charity Sweepstakes Office ng dalawang ambulansya para sa Una at Ikalawang Distrito para sa agarang serbisyong medikal ng mga komunidad na malalayo sa health facilities.
Samantala, tinalakay rin dito ang nakatakdang “Palaro ng Lahi” sa ikatlong linggo ng Mayo na magtatampok ng mga sports activities para sa mga katutubo bilang pagpapanatili ng kultura at pagpapalakas ng pakikilahok ng komunidad.
