March 22, 2026 | News by PISD

𝗞𝗮𝗹𝗶𝗴𝘁𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗱𝗶𝘀𝗶𝗽𝗹𝗶𝗻𝗮 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗺𝗮𝗺𝗮𝗻𝗲𝗵𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗼𝘁𝗼𝗿𝘀𝗶𝗸𝗹𝗼, 𝗠𝗮𝗴𝗸𝗮𝘁𝘂𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮 𝗶𝘁𝗶𝗻𝗮𝘁𝗮𝗴𝘂𝘆𝗼𝗱 𝗻𝗴 𝗛𝗣𝗚 𝗮𝘁 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻
22 Marso 2026, Lungsod ng Calapan – Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Highway Patrol Group (HPG) ang mga gawaing nagtataguyod ng kaligtasan at disiplina sa pagmamaneho ng motorsiklo tulad ng pagsasagawa ng mga pagsasanay.
Kaugnay nito, opisyal nang nanumpa sa harap ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ngayong ika-22 ng Marso ang mga bagong halal na opisyal ng Class Sinagdiwa R4B-2026-06, na kasalukuyang sumasailalim sa 16 araw ng pagsasanay sa Executive Motorcycle Riding Course (EMCRC).
Layunin ng gawaing ito na mapalawak ang kaalaman at maituro ang tamang kasanayan sa pagmamaneho ng motorsiklo upang makaiwas sa mga aksidente sa kalsada.
Ito na ang ikalimang (5) batch na sumailalim sa naturang pagsasanay. Kabilang sa mga naunang batch ang MCRC Class Tamaraw 11-2017, MCRC Class Halcon 01-2021, EMCRC Class Mindala 08-2021, at EMCRC Class Masinlahi 10-2023.
Ang mga matagumpay na makatatapos dito ang magsisilbing ehemplo sa kanilang mga komunidad upang maitaguyod ang road safety.
Nakiisa naman sa gawain sina HPG Regional Director PCOL Christian V. Dela Cruz, HPG Regional Advisory Council President Humilito A. Dolor, Bise-Gobernador Antonio CA Jojo S. Perez Jr. at Pola Mayor Jennifer M. Cruz na kabilang din sa Class Sinagdiwa.
