March 18, 2026 | News by PISD

𝗞𝗮𝘀𝗼 𝗻𝗴 𝗿𝗮𝗽𝗲 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗽𝗶𝗻𝗮𝘁𝘂𝘁𝘂𝘁𝘂𝗸𝗮𝗻 𝗻𝗶 𝗚𝗼𝗯. 𝗗𝗼𝗹𝗼𝗿 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝗮𝗽𝘂𝗹𝗶𝘀𝗮𝗻
Ipinag-utos ni Gobernador Humerlito Bonz A. Dolor sa mga kapulisan na patuloy na paigtingin ang mga hakbang upang tuluyan nang mawala ang kaso ng rape sa lalawigan.
Ito ang naging direktiba ni Gob. Dolor sa mga kapulisan sa ginanap na joint council meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) at Enhance Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) noong ika-11 ng Marso.
Sa naging ulat ni PLCOL Romeo L. Plaida Jr. ng Oriental Mindoro Police Provincial Office (ORMIN PPO), bagaman kapansin-pansin ang malaking pagbaba ng mga naitalang kaso ng rape ngayong unang kwarter ng taong 2026 kumpara noong 2025, mahigpit pa ring itinagubilin ni Gob. Dolor sa mga kapulisan ang kanyang panawagang lalo pa itong pababain hanggang sa tuluyan nang mawala ang mga kaso nito sa lalawigan.
Kabilang sa mga naarestong akusado sa iba’t ibang mga kaso sa magkakasunod na operasyon ng kapulisan kamakailan at sasampahan ng mga kaukulang kaso ay sina Renz Ian R. Caspe, Alexander M. Robles, Jezhel O. Famero, Domingo D. Mendoza Billy M. Del Mundo at Efren P. Mangubat. Ang hakbang na ito ay isasagawa alinsunod sa itinakdang proseso ng batas upang makamit ng mga biktima ang hustisya.
Ayon kay Gob. Dolor, isa sa mga mahalagang hakbang ay ang pagsasapubliko ng mga akusado upang magsilbing babala at maging hadlang sa sinumang magtatangkang gumawa ng ganitong uri ng krimen.
Patuloy naman ang Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan sa higit pang pagpapaigting ng operasyon laban sa kriminalidad kasabay ng patuloy na pagpapatibay ng mga programa para sa kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan ng Oriental Mindoro.
