March 9, 2026 | News by PISD

PAMAHALAANG PANLALAWIGAN AT DOLE, NAGKALOOB NG PAGSASANAY SA AGRIKULTURA AT BIODEGRADABLE RECYCLING
09 Marso 2026, Lungsod ng Calapan- Patuloy na ipinararamdam ng Pamahalaang Panlalawigan ang tuluy-tuloy na pag-agapay nito sa mga manggagawang nangangailangan ng kabuhayan.
Sa pakikipagtuwang sa Department of Labor and Employment (DOLE), isinagawa ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na may temang “Training Cum Production on Agricultural Crop Production and Biodegradable Recycling.”
Layunin ng programa na mabigyan ng pansamantalang hanapbuhay at kasanayan ang mga displaced, underemployed, at iba pang sektor ng komunidad na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan.
Tinuruan ang mga kalahok ng mga kaalaman sa pagtatanim at pangangalaga ng mga pananim, wastong paghahanda ng lupa, tamang pagtatanim, at mga paraan upang mapataas ang produksyon sa agrikultura.
Bukod dito, bahagi rin ng programa ang biodegradable recycling ng mga nabubulok na basura tulad ng mga dahon, tirang halaman, at iba pang organic materials na maaaring gawing compost o pataba na magagamit sa pagtatanim tungo sa sustainable farming practices.
Sa tulong ng programang ito, hindi lamang pansamantalang trabaho ang naibibigay sa mga benepisyaryo kundi pati na rin ang mga praktikal na kasanayan na maaari nilang magamit bilang pangmatagalang kabuhayan.
(C)PPESO
