Bagong patakaran sa pagpasok ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, ipinatupad

March 8, 2026 | News by PISD

Nilagdaan na ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang Executive Order (EO) No. 04 Series of 2026 na naglalaman ng mga bagong patakaran sa pagpasok ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan simula bukas, ika-09 ng Marso.

Ayon dito, ipatutupad ang 4 day workweek sa mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Layon nitong makatipid ng enerhiya at gasolina lalo pa at nagkakaroon ngayon ng malakihang pagtaas sa presyo nito dahil sa pandaigdigang sigalot sa pagitan ng nagtutunggaling mga bansa – ang Estados Unidos at Israel laban sa bansang Iran.

Narito ang iba pang detalyeng nakasaad sa EO No. 04:

1.) Simula bukas, 09 Marso 2026, apat (4) na araw (Lunes-Huwebes) na lamang ang magiging pasok ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, ito ay simula 7:00AM hanggang 6:00PM maliban sa mga tanggapang nangangasiwa ng kalusugan at kaayusan ng lalawigan. (SECTION 1)

2.) Pagbabawas ng paggamit ng air-conditioning units. 15 minuto bago magsimula at bago matapos ang trabaho lamang puwede buksan ang mga aircon ng opisina. (SECTION 2)

3.) Limitadong paggamit ng mga sasakyan ng Pamahalaang Panlalawigan. Tanging kapag may OFFICIAL TRAVEL lamang maaaring gamitin ang mga sasakyan ng pamahalaan. (SECTION 3)

4.) Tuwing Huwebes ng gabi, LAHAT NG SASAKYAN AY NASA LOOB NA NG MOTOR POOL/KAPITOLYO maliban na lamang kung mayroong official travel. (SECTION 4)

5.) Lunes hanggang Miyerkules lamang maaaring magkarga ng gasolina. (SECTION 5)

6.) Ang lahat ng travel sa labas ng lalawigan ay dapat aprubado ng Punong Lalawigan. (SECTION 6)

7.) Ang mga seminar o meeting ay ONLINE NA LAMANG o sa loob ng Kapitolyo kung maaari. (SECTION 7)

Kaugnay din nito ang panawagan ng Pamahalaang Panlalawigan na makiisa ang lahat ng mamamayan sa pagtitipid ng resources lalo pa’t nagpapatuloy pa rin ang giyera sa Middle East.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1AZjv2xtmd/

Scroll to Top