March 6, 2026 | News by PISD

06 Marso 2026, Lungsod ng Calapan –
Disiplina, katatagan, pagkakaisa, at pagkakapatiran. Ang mga ito ang mahahalagang salik sa paghuhubog ng mga responsableng lider at mamamayan.
Ito ang mensahe ni Girl Scouts of the Philippines (GSP) Oriental Mindoro Council President Hiyas Govinda Ramos-Dolor sa kanyang opisyal na pagbubukas ng 75th Council Anniversary Camp-ference sa Liwasan ng Lalawigan.
Nilahukan ito ng humigit-kumulang 2,500 campers mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan na kinabibilangan ng mga opisyal ng GSP, troop leaders, at mga batang Girl Scouts sa pagdiriwang ng Diamond Anniversary ng GSP.
Sa kanyang pahayag, kinilala niya ang mahalagang suporta ng mga opisyal mula sa GSP National Office at binigyang-diin ang sakripisyo at dedikasyon ng bawat kababaihan at kabataang naging bahagi ng Girl Scouting sa paglipas ng mga taon. Partikular niyang pinasalamatan si GSP National Program Director Jade V. Reyes at iba pang matataas na opisyal ng GSP na kapwa nagpaabot ng kani-kanilang mahahalagang mensahe sa okasyon.
Nagpasalamat din siya sa matibay na suporta ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro na tumulong upang matagumpay na maisakatuparan ang naturang gawain.
