March 5, 2026 | News by PISD

PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, NAGHAIN NG REKLAMO VS. MV PRINCESS EMPRESS
05 Marso 2026, Lungsod ng Calapan – Pormal nang naghain ng reklamo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sa pangunguna ni Governor Bonz Dolor, kaugnay sa claim ng mga gastusin at danyos na tinamo nito sa pagtugon sa malawakang epekto ng oil spill na dulot ng paglubog ng MV Princess Empress, kamakailan.
Inihain ang reklamo sa Office of the Clerk of Court sa pamamagitan ng Provincial Legal Office (PLO).
Batay sa dokumentong isinumite ng lalawigan, ang claim ay para sa “Compensation, Reimbursement and/or Reimbursement (Pollution Damage, Preventive Measures) and Damages.”
Nilinaw ni Gob. Dolor na ang sinisingil ay ang mga aktwal na gastusin at danyos na tinamo ng Pamahalaang Panlalawigan kaugnay ng isinagawang emergency response at preventive measures matapos ang insidente. Kabilang dito ang mga pondong ginamit para sa crisis management operations, mobilization at logistics, at iba pang hakbang upang matugunan ang epekto ng oil spill sa mga komunidad sa Oriental Mindoro.
Hindi kabilang sa kasong inihain ang hiwalay na environmental damages, ayon pa sa Gobernador.
Pinangalanan bilang respondents sa complaint ang RDC Reield Marine Services, Inc.,The Shipowners’ Mutual Protection and Indemnity Association (Luxembourg), at ang International Oil Pollution Compensation Funds na kinakatawanan ng Aqueous Support Services, Inc.
Ayon kay Gob. Dolor, matapos ang tatlong taon mula nang mangyari ang insidente, layunin ng hakbang na mabawi ang mga pondong ginugol ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagtugon sa krisis at tiyakin ang pananagutan ng mga responsable.
Dagdag pa niya, inuna muna ng lalawigan ang kapakanan ng mga indibidwal at mamamayang naapektuhan, katuwang ang iba’t ibang ahensyang tumulong sa pagproseso ng kani-kanilang claims. Kasunod nito ang legal na hakbang upang mabawi ang danyos na tinamo ng Pamahalaang Panlalawigan, na sa mahabang panahon ay umakto upang magbigay-gabay at tiyaking naaagapayan ang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan, katuwang pa rin ang mga kaugnay na ahensya ng Nasyunal na Pamahalaan.
Samantala, hindi rin naman matatawaran ang mga hiwalay na inisyatiba ng mga lokal na pamahalaan ukol dito na direktang naapektuhan ng naturang insidente.
