March 5, 2026 | News by PISD

Aktibong pakikiisa ng mga mamamayan, kailangan Kontra-Rabies
05 Marso 2026, Lungsod ng Calapan – Disiplina, kaalaman, at aktibong pakikiisa sa mga programang kontra-rabies.
Ito ang panawagan ng Pamahalaang Panlalawigan kaugnay sa paggunita ng Rabies Awareness Month ngayong Marso.
Ayon kay Provincial Veterinary Office (ProVet), Officer-in-Charge Dr. Alfredo Manglicmot, kinakailangan ang mas pinaigting na kooperasyon ng bawat mamamayan upang maiwasan ang higit na pagdami ng mga kaso ng rabies sa lalawigan.
“Ang rabies ay isang sakit na 100% preventable ngunit 100% fatal kapag hindi naagapan. Nasa ating mga kamay ang solusyon,” ani Dr. Manglicmot.
Aniya pa, mas mataas ang naitatalang kaso ng kagat ng pusa kumpara sa aso, na hindi dapat balewalain ng publiko.
Kaugnay nito, puspusan ang kampanya ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga programa kontra-rabies. Kabilang dito ang patuloy na pagbabakuna sa mga alagang hayop, information drives sa mga komunidad, at pakikipag-ugnayan sa mga barangay at munisipyo para sa mas epektibong implementasyon ng programa.
Upang maging responsible pet owner, hinihikayat ang regular na pagpapabakuna ng mga alagang aso at pusa, tamang pag-aalaga at pagbabantay sa mga ito, at agarang pagkonsulta sa health center o animal bite center sakaling makagat ng hayop.
Nanawagan din ang ProVet sa mga lokal na pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo at suporta para sa kanilang rabies prevention and control programs.
