March 2, 2026 | News by PISD

02 Marso 2026, Pola – Sa Barangay Maluanluan, naninirahan si Lola Amalia Pintor, isang inang nakaabot sa 100 taon, isang buhay na saksi sa pagbabago ng panahon at pag-usbong ng bagong henerasyon.
Binisita siya nina Governor Bonz at si Unang Ginang Hiyas Dolor at ang grupo ng PSWDO.
Si Lola Amalia o mas kilala sa Lola Payang ay may 11 mga anak. Laking gulay at isda raw siya ayon sa kanyang nga kapamilya. Patikimtikim lang ng karne. Metikilolosa sa bahay, sobrang linis ayon sa kanyang mga apo. Masipag at malinaw pa rin ang isip niya hanggang sa kanyang edad ngayon.
Masaya namang nakipagkwentuahn kay Gov. Bonz at FL Hiyas si Lola Payang habang ipinagmalaki ang kanyang malaki at masayang pamilya.
Pinarangalan at kinilala siya dahil sa kanyang pambihirang katatagan at kalakasan ng kanyang mahabang paglalakbay sa buhay.
Si Lola Payang, isang centenarian, ang naging sandigan ng pamilya, gabay ng mga anak, at tahimik na lakas sa likod ng bawat pagsubok na kanilang hinarap. Ang kanyang mga kamay na minsang nagsikap sa bukid at tahanan ay simbolo ng pagsusumikap at sakripisyo.
P100,000 cash incentive ang handog sa kanya ng Pamahalaang Panlalawigan. Isang konkretong patunay ito na hindi nakakalimot ang pamahalaan sa mga tulad niyang naglatag ng pundasyon ng komunidad. Ngunit higit pa sa insentibo, ang pagbisita ay naghatid ng mensaheng may malasakit at pagtanaw ng utang na loob ang pamahalaan sa mga naunang henerasyon.
Sa kanyang mga mata makikita ang kagalakan, marahil ay bunga ng isang pusong masaya at kuntento na nasaksihan ang paglaki ng mga anak at apo.
