Kilalanin si Nanay Amelia Gamila, dating guro at isang mahusay na softball player noong kabataan niya

March 2, 2026 | News by PISD

02 Marso 2026, Pola- Ngayong hapon ng Marso 2, isang makabuluhang tagpo sa Barangay Malibago, Pola nang personal na dalawin ni Governor Bonz Dolor si lola Amelia Gamila, dating guro at isang mahusay na softball player noong kabataan niya.

Ngayon, isang katangi-tanging centenarian na matalas pa rin ang memorya at masasabing patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanyang komunidad. Eksaktong 100 taon at 4 na buwan si lola Amelia ngayong araw.

Sa kanyang payak na tahanan, mainit na sinalubong ng kanyang pamilya ang grupo nina Gov. Bonz.

Bitbit ng Ama ng Lalawigan hindi lamang ang suporta mula sa Pamahalaang Panlalawigan, kundi ang taus-pusong pagkilala at paggalang para sa isang inang umabot na sa isang siglo ng buhay.

Sa bawat taon na kanyang nalagpasan, naroon ang kuwento ng sakripisyo, pananampalataya, at walang sawang pagmamahal sa kanyang pamilya. Hanggang sa kasalukuyang panahon, malinaw na malinaw pa ang kanyang isip.

Bilang “Ama ng Lalawigan,” patuloy niyang isinusulong ang mga programang kumikilala at nagbibigay-suporta sa mga senior citizen, lalo na sa mga centenarian na maituturing na buhay na kayamanan ng bawat komunidad.

Para sa pamilya ni lola Amelia, ang pagdalaw ngayong hapon ay hindi lamang simpleng seremonya, kundi isang sandaling mananatili sa kanilang puso patunay na ang kanilang mahal na ina ay hindi lamang yaman ng kanilang tahanan, kundi ng buong lalawigan.

Espesyal na panalangin naman mismo ni Nanay Amelia ang kanyang anyo ng pasasalamat sa butihing Gobernador.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/18btnyTavt/

Scroll to Top