Pagpapaunlad ng kakayahan ng PGOM na magbigay-serbisyo, mas pinaiigting

February 26, 2026 | News by PISD

𝗣𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘂𝗻𝗹𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗸𝗮𝘆𝗮𝗵𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗚𝗢𝗠 𝗻𝗮 𝗺𝗮𝗴𝗯𝗶𝗴𝗮𝘆-𝘀𝗲𝗿𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼, 𝗺𝗮𝘀 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗶𝗶𝗴𝘁𝗶𝗻𝗴

26 Pebrero 2026 – Isang gawaing naglalayong mas palakasin ang kakayahan ng bawat departamento ng Kapitolyo na magplano at magtupad ng mga programang mag-aangat sa kani-kanilang kapasidad at kakayahan tungo sa higit na pagpapabuti ng pagbibigay ng serbisyo sa lalawigan at sa mga mamamayan nito.

Ito ang konsepto ng tatlong araw na Capacity Development (CapDev) Agenda 2026-2028 Formulation Workshop nitong nakaraang 24-26 Pebrero sa Batasang Panlalawigan Board Room na dinaluhan ng mga hepe at kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng Kapitolyo.

Pinangasiwaan ang nasabing pagsasanay ng mga kawani ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) sa ilalim ng pamumuno ni PPDO-OIC EnP Jose Maria S. Dalupan, katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Oriental Mindoro na pinamumunuan ni DILG Provincial Director Frederick Gumabol.

Binigyang-diin ni PD Gumabol sa gawain ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na pagpaplano at pagtukoy ng mga pangangailangan upang makamit ang ninanais na tunguhin ng lalawigan sa hinaharap.

Sumailalim sa walong Modules na naglalaman ng iba’t ibang uri ng pagsasanay ang mga kalahok.

Dito, hinimay ang proseso sa paglalatag ng mga prayoridad na pangangailangan ng bawat tanggapan kaakibat ang mga nararapat na interbensyon o gawain para sa pagpapaunlad ng kanilang serbisyo.

Tiniyak naman ni Vice Governor Atty. Jojo S. Perez ang buong suporta ng Sangguniang Panlalawigan sa pag-apruba ng ordinansang may kaugnayan sa CapDev Agenda 2026-2028. Dumalo rin si Board Member Lagtum Pasag sa naturang gawain.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/18VjWzatb8/

Scroll to Top