Halaga ng Real Property sa lalawigan, tataas sa panukalang SMFV

February 20, 2026 | News by PISD

𝗛𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮 𝗻𝗴 𝗥𝗲𝗮𝗹 𝗣𝗿𝗼𝗽𝗲𝗿𝘁𝘆 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗺𝗮𝘀 𝘁𝗮𝘁𝗮𝗮𝘀 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗻𝘂𝗸𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗦𝗙𝗠𝗩

20 Pebrero 2026, Lungsod ng Calapan – Mas tataas ang halaga ng mga ari-ariang di natitinag sa ipinanunukalang Schedule of Fair Market Value (SFMV) na magiging epektibo sa taong 2028.

Ito ang binigyang-diin ni Provincial Assessor Caesar Pangilinan, Jr. sa dalawang araw na pampublikong konsultasyon kaugnay ng General Revision of Assessment (GRA) ng Real Property sa Oriental Mindoro.

Alinsunod sa Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991 na mas pinagtibay ng Republic Act No. 12001 o ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA), mahalagang maisagawa ang GRA upang ma-update ang kasalukuyang SMV na mas malapit sa kasalukuyang halaga ng mga ari-ariang di natitinag.

Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagkalugi ng mga nagmamay-ari at mapangangalagaan ang tunay na halaga ng kanilang mga ari-arian na magbibigay sa kanila ng mas matibay na batayan sa pagbebenta, pagsasangla at iba pa.

Bagama’t kalakip ng pagtaas ng halaga ng ari-arian ang pagkakaroon ng karagdagang buwis, binigyang-linaw ni Provincial Assessor Pangilinan na hanggang 6% lamang mula sa kasalukuyang SMV ang posibleng itaas nito na posible pang bumaba alinsunod sa aaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP).

Katuwang naman ng PAssO sa pagsasagawa ng programa ang Municipal Assessors sa lalawigan na pinamumunuan ni MALOM President Mervin John G. Lalongisip.

Dinaluhan ito nina SP Board Member at Committee on Ways and Means Chairperson Alely Casubuan-Tan, Acting Provincial Treasurer Christine Myra D. Leviste, Former Provincial Treasurer Annabelle Gardoce, mga kinatawan mula sa BIR, at mga kinatawan mula sa Pamahalaang Bayan at Barangay sa lalawigan.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/14Uowc1ZAmh/

Scroll to Top