Tulay na yari sa kahoy, gagawing Steel Bridge ng DPWH

February 19, 2026 | News by PISD

Tulay na yari sa kahoy, gagawing Steel Bridge ng DPWH

Nagsagawa ng inspeksyon si Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at DPWH Regional Director Oscar dela Cruz ngayong ika-19 ng Pebrero sa hanging bridge na pinagtulung-tulungang magawa ng mga katutubo ng Barangay Hagan at Lisap sa bayan ng Bongabong Oriental Mindoro.

Mula sa rumaragasang tubig, pilit na tinatawid ng mga residente ang tulay na ito na may habang humigit kumulang 125 metro na yari sa kahoy, kawayan at baging upang makaliban sa kabilang bahagi ng ilog.

Ang tulay na ito ang nagdudugsong sa Sitio Panluan ng Barangay Hagan at Sitio Akliyang ng Barangay Lisap, Bongabong.

Sa pamamagitan ng tulay na ito, naibababa ng mga taga Sitio Akliyang ng Barangay Lisap patungong Sitio Panluan sa Barangay Hagan ang kanilang mga aning produktong agrikultural tulad ng saging, niyog, gabi, mais, luya, kape at iba pa.

Ang mga mag-aaral naman ng Panluan Hagan Mangyan High School ay kinakailangan ding tumawid gamit ang tulay na ito upang makapasok sa eskwela.

Matinding peligro ang sinasapit ng mga residente rito kapag ito ay nasisira dahil kinakailangan nilang tumawid sa malakas na agos ng ilog gamit lamang ang salbabida.

Nakaabot ang suliraning ito ng mga Bongabonense kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung kaya’t inatasan niya si DPWH Sec. Dizon na gawin itong permanenteng tulay na kung saan maaari ding makadaan ang mga motor at tricycle upang mabilis na madala ang mga produkto sa pamilihan.

Komitment ni Sec. Dizon na mapasimulan na ang pagpapagawa ng steel bridge sa lalong madaling panahon at inaasahan ding matatapos ngayong taon.

Lubos ang naging kagalakan at pasasalamat ng mga residente rito kabilang na ang gurong si Madam Mary Jane Gardoce, Teacher II ng Akliyang Elementary School. Aniya, kapag ito ay naisakatuparan, makatatawid na siya papunta sa kabilang bahagi ng ilog kahit pa masama ang panahon at mataas ang lebel ng tubig sa ilog.

Gayundin, makakapasok na sa eskwela ng ligtas at walang alalahanin ang dalawang anak ni G. Allan Saynaad, isang katutubo mula sa tribong Buhid.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Nasyunal at Lokal na Pamahalaan, maisasakatuparan ang mga proyektong tulad nito na makapagbibigay ng ginhawa sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.

#TheCapitolNews

Source: https://www.facebook.com/share/p/1Cbhqp7Ptw/

Scroll to Top