February 19, 2026 | News by PISD

PGFPS-TWG sumailalim sa Gender Sensitivity Training ++
18 Pebrero 2026, Lungsod ng Calapan – Isinagawa ang dalawang araw na “Training on Gender Sensitivity++” na inorganisa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Vencios Garden Resort.
Ang pagsasanay na ito ay nilahukan ng mga kasapi ng Provincial GAD Focal Point System – Technical Working Group (PGFPS-TWG) ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ayon kay PGFPS-TWG Chairperson Atty. Phebie G. De Mesa, layunin ng pagsasanay na mas mapalawak pa ang pang-unawa sa konsepto ng gender sensitivity at maisiguro na ang lahat ng serbisyo at programa ng Pamahalaang Panlalawigan ay inklusibo at sensitibo sa pangangailangan ng bawat Mindoreño, anuman ang kasarian. Layon din nito, aniya, ang pagbuo ng mas matibay na pamamaraan para sa implementasyon ng Gender and Development (GAD) Plan.
Hinikayat naman ni PSWD Officer Zarah C. Magboo ang mga kasapi ng PGFPS-TWG na patuloy na gampanan ang mga kaakibat na gawain bilang kasapi ng TWG. “Bagama’t tayo ay napapagod, huwag tayong susuko sa pagsusulong ng adbokasiya ng Gender and Development,” ang mensahe pa ni PSWD Officer Magboo.
Samantala, tinalakay din ang mga nakalinyang gawain para sa isasagawang kick-off activity kaugnay ng Womens’ Month Celebration.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1Dafw69mkH/?mibextid=wwXIfr
