February 9, 2026 | News by PISD

𝗣𝗚𝗢𝗠, 𝗮𝗸𝘁𝗶𝗯𝗼 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝘁𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁𝗲𝗻𝗴 𝗮𝗽𝗲𝗸𝘁𝗮𝗱𝗼 𝗻𝗴 𝗼𝗶𝗹 𝘀𝗽𝗶𝗹𝗹 𝘀𝗮 𝗢𝗿𝗠𝗶𝗻.
09 Pebrero 2026, Lungsod ng Calapan – Aktibo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro (PGOM) sa pag-agapay sa mga apektadong residente na nais maghain ng reklamo kaugnay sa nangyaring insidente ng oil spill sa lalawigan.
Ito ang binigyang-diin ni Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II sa Question Hour ng Regular Session ng 12th Sangguniang Panlalawigan na isinagawa ngayong araw.
Ayon sa datos, umabot na sa 60 indibidwal na nagnanais maghain ng reklamo ang inaagapayan ng PGOM sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng abogado, notaryo at dokumentasyon ng mga papel na kinakailangang isumite.
Sa ilalim ng Capitol Legal Assistance Program (CLAP) na ipinatupad noong 30 April 2024, nagbibigay rin ng stipends ang PGOM para sa legal at administrative expenses ng mga abogadong hahawak ng kaso para sa claimants o mga indibidwal na nagnanais maghain nito laban sa pamunuan ng MV Princess Empress.
Binigyang paglilinaw naman ni Atty. Turano na bagama’t bukas ang Kapitolyo sa pagbibigay ng mga nasabing tulong, bahagi pa rin ng kinakailangang sagutin ng claimants ay ang 10% filing fee ng halaga ng itinakdang claims na ibabayad sa husgado.
Aniya pa, hindi kinakailangang mag-alala sa prescription period ng paghahain ng criminal case sapagkat hanggang 20 taon pa ang palugit para rito, at tanging ang paghahain lamang ng claim sa IOPC Fund ang nasa tatlo hanggang anim na taon ang palugit.
Para sa mga residente na may valid claims, partikular ang mga mangingisda at fish vendors, ipinahayag ni Atty. Turano na maaari silang magtungo sa Provincial Legal Office para sa interview kaugnay ng kanilang reklamo. Magdala lamang ng valid ID, patunay ng pagmamay-ari ng bangka kung mangingisda, denial form, IOPC assessment form, at lahat ng mga dokumentong nagpapatunay na ang indibidwal ay apektado at kabilang sa nasa fishery sector.
