PGOM’S FitPro Challenge, inilunsad bilang bahagi ng health and wellness program sa Kapitolyo

February 3, 2026 | News by PISD

INILUNSAD ANG PGOM’s FITPRO CHALLENGE BILANG BAHAGI NG HEALTH AND WELLNESS PROGRAM NG KAPITOLYO

Opisyal na inilunsad ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) ang PGOM’s FitPro Challenge, isang taunang fitness at wellness program na naglalayong hikayatin ang mga kawani ng kapitolyo na pangalagaan ang kanilang kalusugan at aktibong pamumuhay. Sa pagtatapos ng taon, tatanghalin ang Biggest Weight Loser na mag-uuwi ng ₱10,000 bilang grand prize.

Ang FitPro Challenge ay bahagi ng Health and Wellness Program ng Kapitolyo, na pinapangasiwaan ng PHRMO, bilang tugon sa adbokasiya ng pamahalaang panlalawigan para sa mas malusog, mas masigla, at mas produktibong workforce.

Bilang dagdag na motibasyon, magkakaroon din ng buwanang pagkilala gaya ng Best Outfit of the Month at Most Energetic of the Month, na layong pasiglahin ang partisipasyon at palakasin ang camaraderie ng mga empleyado.

Isasagawa ang mga regular fitness sessions tuwing Miyerkules at Biyernes, mula ika-4:00 hanggang ika-5:00 ng hapon bawat linggo, na pangungunahan ni Ms. Rhodora Barojabo bilang instruktor.

Higit pa rito, sa tulong ng Provincial Health Office, kasama ang mga nutritionist-dietician, magsasagawa ng health assessments upang masubaybayan ang kalagayan ng kalusugan ng mga kalahok at mabigyan sila ng wastong gabay sa nutrisyon at mga angkop na pisikal na aktibidad.

Sa kabuuan, ang PGOM’s FitPro Challenge ay hindi lamang isang kompetisyon, kundi isang hakbang tungo sa mas balanseng pamumuhay at pangmatagalang pangangalaga sa kalusugan ng bawat kawani ng kapitolyo.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1GDEAWBBhb/

Scroll to Top