Sipag Festival 2026, ipinagdiwang sa Roxas

January 25, 2026 | News by PISD

25 Enero 2026, Roxas – Sa temang “Alisto sa Pagbabago para sa Mabilis na Pag-asenso ng mga Roxaseño”, naging makulay at masigla ang pagdiriwang ng SIPAG Festival 2026 sa Bayan ng Roxas bilang pagpupugay sa masaganang ani at pagtatampok sa masisipag na mga mamamayan ng bayan ngayong araw, Enero 25.

Ang SIPAG ay kumakatawan sa Saging, Isda, Prutas, Palay at Gulay, na sumasalamin sa pangunahing kabuhayan at likas na yaman ng Munisipalidad.

Ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, ang Sipag Festival ay hindi lamang isang pagdiriwang kundi isang paraan upang palakasin ang turismo at ipagmalaki ang pagkakakilanlan ng Roxas bilang isang masaganang bayan na hitik sa kultura at likas na yaman.

Sa mensahe ni Roxas Mayor Jerwin Dimapilis, pinasalamatan niya ang malaking suporta sa kanilang bayan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Humerlito “Bonz’ Dolor.

Ang Sipag Festival ay patunay na buhay na buhay ang diwa ng pagkakaisa, kasipagan, at pagmamahal sa sariling bayan ng mga masisigasig na Roxaseño.

Dinagsa naman ng mga Roxaseño at mga bisita mula sa mga kalapit-bayan upang masaksihan ang Sipag Festival Street Dancing competition na isa lamang sa mga tampok na gawain. Nagkaloob ng dagdag papremyo sa apat na contingents si Gob. Dolor bilang pagpapahalaga sa mga kinatawang paaralan at mga kabataang mag-aaral na nagtanghal sa taunang kumpetisyon.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/188wNYZC37/

Scroll to Top