January 20, 2026 | News by PISD

19 Enero 2026, Lungsod ng Calapan – “Hindi nagkulang ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapaalala at pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pagpoproseso ng compensation claims sa International Oil Pollution Compensation (IOPC) Funds kaugnay ng insidente ng oil spill sa lalawigan.”
Ito ang binigyang-linaw ni Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II sa isinagawang Committee Hearing ng Sangguniang Panlalawigan (SP) sa pangunguna ni SP Committee Chair on Environment, Natural Resources and Climate Change and Disaster Management Board Member Alely Casubuan Tan.
Kaugnay ito ng compensation claims ng mga sektor na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa oil spill na dulot ng paglubog ng MV Princess Empress sa karagatan na nasasakupan ng bayan ng Pola noong Pebrero 2023.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umabot sa 31,524 ang pamilyang apektado sa buong lalawigan.
Sa pinakahuling tala ng IOPC noong Setyembre 2025, umabot sa 33,649 ang claims na nabayaran sa ilalim ng fishery sector.
Ayon kay Atty. Turano, noon pa lamang March 2023 ay naglunsad na ng claims processing center sa Pamahalaang Panlalawigan. Nagsagawa na rin ang Provincial Legal Office ng orientation caravan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan kung saan ipinaliwanag ang prescriptive period, paano magpa-file, ano ang mga dokumento na kailangang ihanda para sa pagpoproseso ng compensation claims sa IOPC Funds.
Ipinaliwanag din ni Atty. Turano ang prescriptive period para makapag-file ng claims. Ayon sa RA 9483 na syang nagtatakda ng implementing rules kung paano ipatutupad sa Pilipinas ang conventions with IOPC, tatlong taon bago nag manifest ang danyos ngunit hindi lalampas sa anim na taon simula nang magkaroon ng insidente.
Aniya pa, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan sa IOPC kaugnay ng kasalukuyang status ng mga naisumiteng claims.
“Ang Pamahalaang Panlalawigan ay bukas sa anumang usapin hinggil sa issue ng oilspill. May nakalaang pondo para sa mga legal aid lawyers na mag aasiste sa mga claimants sa ilalim ng Capitol Legal Assistance Program,” dagdag pa ni Atty. Turano.
Dumalo sa nasabing hearing si Vice Governor at SP Presiding Officer Antonio S. Perez Jr., mga Bokal mula sa First District na sina Ronalee L. Leachon, C Voltaire S. Brucal, Ryan Z. Arago, Marion Francis D. Marcos, mga Bokal mula sa Second District na sina Atty. Jomarc Philip E. Dimapilis, Atty. Rolando H. Ruga, Atty. Emmanuel S. Buenaventura, Anthony L. Yap, at Lagtum Pasag. Kasama ring dumalo rito si OIC Provincial Legal Officer Atty. Francheska Laurent L. Feraren at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.
