Dagdag benepisyo sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, aprubado na

January 19, 2026 | News by PISD

𝗗𝗮𝗴𝗱𝗮𝗴 𝗯𝗲𝗻𝗲𝗽𝗶𝘀𝘆𝗼 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝗮𝘄𝗮𝗻𝗶 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗔𝗽𝗿𝘂𝗯𝗮𝗱𝗼 𝗻𝗮

Aprubado na ang dagdag benepisyo sa lahat ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kalagayan, kalusugan at kapakanan ng mga lingkod-bayan.

Kasabay ng isinagawang regular na flag raising ceremony ngayong ika-19 ng Enero, inanunsyo ni Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II na pinondohan na ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Sangguniang Panlalawigan ang Php. 7,000 halaga ng medical allowance ng mga permanenteng empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan na maaaring magamit sa loob ng isang taon.

Ayon pa kay Atty. Turano, kukuha ng Group Health Insurance ang Pamahalaang Panlalawigan at dito ipapasok ang medical allowance.

Sa paraang ito, kung hindi kayang saklawin ng PhilHealth at Personal Assistance Program (PAP) ng Pamahalaang Panlalawigan ang bayarin, maaaring ipasok sa group health insurance ang natitira pang bayarin sa pribadong ospital.

Inaasahang maisasakatuparan at magagamit ito ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa katapusan ng Pebrero.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1BT8S3vHwo/

Scroll to Top