January 17, 2026 | News by PISD

𝗠𝗶𝗻𝗶𝗺𝘂𝗺 𝘄𝗮𝗴𝗲 𝘀𝗮 𝗠𝗜𝗠𝗔𝗥𝗢𝗣𝗔, 𝗜𝘁𝗶𝗻𝗮𝗮𝘀 𝘀𝗮 𝗣𝗵𝗽. 𝟰𝟱𝟱.𝟬𝟬
17 Enero 2026, Oriental Mindoro – Ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bagong minimum wage rate para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at sa mga kasambahay sa Rehiyong MIMAROPA simula noong ika-01 ng Enero 2026.
Ito ay alinsunod sa dalawang (2) Wage Orders na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-IVB.
Ayon sa Wage Order No. RB-MIMAROPA-13, ang mga establisyimento na may 10 manggagawa o higit pa ay mayroong dagdag sahod na Php. 25.00, mula Php. 430.00 ay naging Php. 455.00 kada araw.
Samantala, mula Php. 404.00, naging Php. 455.00 na rin ang itinakdang pasahod sa mga establisyimentong may mas mababa sa 10 manggagawa dahil sa itinakdang umentong Php. 51.00.
Sa bisa naman ng Wage Order No. RB-MIMAROPA-DW-06, nadagdagan ng Php. 500.00 ang buwanang sahod ng mga kasambahay, mula Php. 6,500.00 ay naging Php. 7,000.00 na.
Hinihikayat naman ng DOLE ang lahat ng mga employer sa Rehiyong MIMAROPA na sumunod sa bagong wage orders upang matulungan ang mga mamamayan sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Maaari namang makipag-ugnayan sa kinauukulan ang mga manggagawa kung may nakikitang paglabag sa itinakdang minimum wage.
SOURCE: DOLE MIMAROPA
Source: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1305752008254377&set=a.223668559796066
