Cooperative Orientation para sa mga Katutubong Tau-buid at Tadyawan sa Pinamalayan, isinagawa

January 14, 2026 | News by PISD

PCDO Nagsagawa ng Cooperative Orientation para sa mga Katutubong Tau-buid at Tadyawan sa Sabang, Pinamalayan | January 14, 2026

PINAMALAYAN, ORIENTAL MINDORO — Bilang bahagi ng adbokasiya para sa inklusibo at sustenableng kaunlaran, nagsagawa ang Provincial Cooperative Development Office (PCDO), katuwang ang MCDO at MCDC Pinamalayan, ng Cooperative Orientation para sa mga katutubong Tau-buid at Tadyawan sa Barangay Sabang, Pinamalayan noong Enero 14, 2026.

Ang aktibidad ay bunga ng pagbisita ng mga kinatawan ng Tau-buid at Tadyawan, kasama ang kanilang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) na si Konsehal Yule Kasafulo, sa PCDO noong Enero 6, 2026 upang humingi ng gabay sa pagtatatag ng kooperatiba bilang paraan ng kolektibong kabuhayan at pangmatagalang kaunlaran.

Agad namang pinaunlakan ni Mr. Orlando B. Tizon, PGDH-PCDO, ang kahilingan at nakipag-ugnayan kay Ms. Mary Joyce Anne Frasdilla, MCDO ng Pinamalayan, para sa pagsasagawa ng orientation sa komunidad. Malugod namang tinanggap ng Barangay Sabang, sa pangunguna ni Konsehala Loring Monte, ang mga kawani ng PCDO at mga katuwang sa aktibidad. Nagbigay rin ng suporta sina G. at Gng. Vince Ong sa pamamagitan ng pagkain at damit para sa mga kalahok.

Pinangunahan ni Mr. Tizon ang aktibidad kasama ang mga kawani ng PCDO at si Ms. Roditha Castillo, MCDC Chairperson ng Pinamalayan. Tinalakay sa orientation ang mga pangunahing hakbang sa pagbubuo at pagpaparehistro ng kooperatiba, paghahanda ng mga kasapi, kolektibong responsibilidad, at mga programang iniaalok ng PCDO.

Sa pagtatapos ng programa, nakipag-ugnayan ang PCDO sa Cooperative Development Authority (CDA) MIMAROPA para sa pagsasagawa ng Pre-Registration Seminar ng grupong Tadyawan sa Pebrero 10, 2026, at karagdagang talakayan sa business operation para sa Tau-buid Bago Agriculture Cooperative.

Ang aktibidad ay sumasalamin sa patuloy na pagtutulungan ng PCDO, barangay, at mga katuwang na ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor, upang mapalakas ang kabuhayan at organisasyon ng mga katutubong pamayanan sa Oriental Mindoro.

#pcdoormin

Source:https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02VzfJMpZEJYE2X4dmrFZz7dqh6gCF2tygkFdMGuwXNgKifz9DBc3iEs7A6tPB8fAml?rdid=j7Lqurz853w0GCyt#

Scroll to Top