TINGNAN: Mga kaganapan sa flag ceremony na pinangunahan ng GO

January 12, 2026 | News by PISD

“Hinihikayat ko ang pagtutulungan ng bawat tanggapan at inaasahan ko that we will be a better Capitol for 2026.” Ito ang mensahe ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor sa mga hepe at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong araw sa regular na flag raising ceremony sa Kapitolyo.

Aniya, “Sa kabila ng pagkakahati-hati sa pamahalang nasyunal, we in the Capitol, mananatili tayong bahagi ng pagbabago sapagka’t iisa lang ang mithiin nating lahat, to serve the public.”

Pinangunahan ni Governor Bonz ang pagbigkas ng Panunumpa ng Lingkod-bayan at hinikayat ang panunumpang ito ang maging gabay sa araw araw na paglilingkod sa sambayanang Mindoreño.

Pinasalamatan naman ng Gobernador ang mga kawani ng Kapitolyo sa kanilang dedikasyon sa paglilingkod noong nagdaang taon, na aniya’y naging susi upang makamit ang mga itinakdang layunin bilang isang lalawigan.

Inilahad ng Gobernador, ang mga pangunahing tunguhin ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong 2026. Ngayong unang kwarto ng taon, plano ang pagsisimula ng konstruksyon ng bagong Kapitolyo sa Barangay Sta. Isabel. Ipinahayag ni Gov. Bonz na funded na ang amphitheater at Social Services Cluster mula sa tanggapan ni Senator Erwin Tulfo, Admin and Finance Building, at first phase ng Executive Building. Inaasahan naman na sa taong 2028 ay magagamit na ang bagong Kapitolyo.

Ibinalita rin ng Gobernador ang ipinangakong pondo mula sa Pamahalang Nasyunal para sa pagpapatapos ng mga naiwang flood control projects sa lalawigan na inaasahang makakatulong upang maibsan ang nararanasang pagbaha partikular sa mga bayan ng Naujan at Victoria.

Hihilingin din sa Sangguniang Panlalawigan ang pagpasok sa isang kasunduan sa pagitan ng DepEd, DPWH, DOH at Pamahalaang Panlalawigan para sa implementasyon ng Classroom Building Program, Health Facilities Investment Program at DPWH infrastructure projects kung saan ang Pamahalaang Panlalawigan na ang mamamahala sa mga naturang proyekto.

Source:https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid07AVFakjdtsgFF4n1aYr2rMbqZgNu3Ym6cwFtLnymnkdCq5RGxhuY8KAWXxRbU15Ml?rdid=PDPbgFlou4hau9EL#

Scroll to Top