January 12, 2026 | News by PISD

Napanatili ang pagiging Level III ng Provincial Capitol Child Development Center (PCCDC) matapos opisyal na matanggap ang akreditasyon nito mula sa Early Childhood Care and Development Council (ECCDC).
Ito ang kinumpirma ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor sa regular flag raising ceremony sa Kapitolyo ngayong ika-12 ng Enero. Personal niyang iginawad sa pamunuan nito ang sertipiko ng pagkilala mula kay Vice Chairperson at Executive Director ng ECCDC, Teresita G. Inciong.
Base sa isinagawang ebalwasyon, nakatanggap ang PCCDC ng Level III o pinakamataas na antas ng pagkilalang ibinibigay sa mga Child Development Center sa bansa. Patunay ito ng kolektibong pagsisikap ng pamunuan nito ng de-kalidad na center-based early childhood programs.
Noong ika-14 ng Nobyembre 2025, dumaan sa masusing ebalwasyon ang PCCDC at matagumpay nilang naipasa ang pitong (7) mahahalagang aspeto ng pamamahala at operasyon nito. Kabilang dito ang mga sumusunod:
1.kalusugan, nutrisyon at kaligtasan ng mga mag-aaral;
2.pisikal na kapaligiran;
3.pakikipag-ugnayan at relasyon ng mga Child Development Worker (CDW) sa mga bata;
4.kwalipikasyon at pag-unlad ng CDW;
5.kurikulum at pagtatasa;
6.pakikilahok ng pamilya at komunidad; at
7.pamumuno at pamamahala.
Kaugnay nito, higit ding pinagtibay ang kahusayan ng mga CDW nito matapos makakuha rin ng limang (5) taong akreditasyon mula 2026 hanggang 2030 ang kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na sina Olivia M. Corpus at Gleanet M. Marasigan. Nakakuha sila ng 5 star o katumbas na Level III na pagkilala mula sa ECCDC bilang pagkilala sa kanilang galing, husay at dedikasyon sa pagtuturo.
Matatandaan na itinatag mula pa noong 1997 ang Child Development Center na ito sa Kapitolyo para sa mga magulang na empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan upang mabigyan ng panimulang edukasyon ang kanilang mga anak habang nagtatrabaho at ginagampanan ang tungkulin sa iba’t ibang tanggapan ng Kapitolyo.
Sa loob ng halos tatlong (3) dekada, patuloy na sinisikap ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng PSWDO na pinamumunuan ng kasalukuyang PSWD Officer na si Ms. Zarah C. Magboo katuwang si Acting Division Head ng Center and Institution Management Division Jannete M. Cielo na maitaguyod ang holistikong pag-unlad ng bawat mag-aaral.
Patunay sa tagumpay na ito ang marami ng bilang ng mga mag-aaral na dumaan sa PCCDC at ngayon ay mga ganap nang propesyunal sa iba’t ibang larangan. Ang akreditasyong ito ay higit pa sa pagkilala kundi malaking pamumuhunan din sa kinabukasan ng mga kabataang Mindoreño.
