January 2, 2026 | News by PISD

Nakadeploy na ang mga rescuer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang magmonitor ng sitwasyon at tumulong sa pagtatawid ng mga pasahero o sa paglilikas sa mga mamamayan.
Ito ang kinumpirma ni PDRRM Officer Vinscent B. Gahol sa gitna ng tuluy-tuloy na pag-ulan na dulot ng Amihan at Shearline na nararanasan sa Southern Luzon at muling nagpabaha sa mga bayan ng Naujan at Victoria ngayong araw.
Sa pagpupulong na ipinatawag ni Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II sa mga konsernadong tanggapan ng Kapitolyo, tinalakay ang mga gawain at tulong na maaaring kagyat na maipagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga naapektuhan ng mga pagbaha.
Iprinisenta ni Provincial Engineer Edylou B.Tejido ang kalagayan ng ilog sa bahagi ng Barangay Tagumpay, Naujan na pinagmumulan ng pagbaha. Isa sa mga hakbangin ng Pamahalaang Panlalawigan ang planong pagtatayo ng earth dike na may habang 1.7 hanggang 2.1 kilometro at ang pagpapanumbalik ng orihinal na daloy ng tubig.
Nakahanda naman ang Provincial Social Welfare and Development Office para sa relief operations sa mga pamilyang naapektuhan ng mga pagbaha.
Sa tagubilin ni Gobernador Humerlito A. Dolor, iniatas ni PA Turano ang mahigpit na koordinasyon ng mga tanggapan upang maitiyak ang maagap at epektibong pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.
