December 29, 2025 | News by PISD

𝗣𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻: 𝗛𝘂𝘄𝗮𝗴 𝘀𝗶𝗿𝗮𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗽𝘂𝗯𝗹𝗶𝗸𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝘀𝗶𝗹𝗶𝗱𝗮𝗱
Pondo ng taumbayan ang mga pampublikong pasilidad kaya tungkulin ng bawat mamamayan na pangalagaan at pag-ingatan ang mga ito at huwag sirain.
Kaugnay ito sa napaulat na insidente ng bandalismo o pagsira ng pampublikong pasilidad sa Plaza del Gobernador: Ang Liwasan ng Mamamayan, Lungsod ng Calapan.
Batay sa pahayag ng Provincial Tourism Office, 3:46 ng madaling araw noong ika-26 ng Disyembre nangyari ang insidente.
Sa kuha ng CCTV, makikita na unang sinira ng hindi pa nakikilalang grupo ang door knob ng palikuran upang makapasok. Ngunit matapos ang ilang sandali, tila nakulong ang mga ito nang hindi na mabuksan ang pinto kung kaya’t napilitan silang tuluyan na itong sirain.
Kinaumagahan, agad na naghain ang Provincial Tourism Office ng blotter report sa Barangay Camilmil at sa Calapan City PNP.
Kasalukuyan nang sinusuri ng mga awtoridad ang CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Ang insidente ay itinuturing na paglabag na may kaukulang parusa ayon sa Artikulo 327-329 ng Revised Penal Code o ang Malicious Mischief at Destruction of Public Property.
Kabilang sa mga maaaring kaharapin ng mga mapapatunayang lumabag dito ang pagkakakulong dahil sa kasong sibil at pagbabayad ng danyos depende sa halaga ng kanilang nagawang pinsala.
Hinihikayat naman ang mga sangkot dito na kaagad makipag-ugnayan sa awtoridad o sa Provincial Tourism Office upang makapagpaliwanag sa mga nangyari at ipatupad ang mga kinakailangang hakbangin.
📽️: Provincial Tourism Office #TheCapitolNews
