December 22, 2025 | News by PISD

𝗠𝗮𝗵𝗶𝗴𝗶𝘁 𝟭𝟮,𝟬𝟬𝟬 𝗻𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗽𝗮𝘀𝗮𝗵𝗲𝗿𝗼, 𝗻𝗮𝗶𝘁𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗖𝗮𝗹𝗮𝗽𝗮𝗻 𝗣𝗼𝗿𝘁 𝗻𝗴𝗮𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗵𝗼𝗹𝗶𝗱𝗮𝘆 𝘀𝗲𝗮𝘀𝗼𝗻
22 Disyembre 2025, Lungsod ng Calapan -Umabot sa mahigit 12,000 ang naitalang bilang ng inbound at outbound passengers sa Calapan Port ngayong holiday season ayon sa tala ng Philippine Ports Authority (PPA) Mindoro.
Batay sa panayam kay PPA Mindoro Port Manager Jon Gabriell Manansala, matapos ipatupad ang Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2025 na nagsimula noong ika-20 ng Disyembre hanggang ika-4 ng Enero, nasa mahigit 9,400 na ang bilang ng mga byaherong dumating sa Oriental Mindoro habang mahigit 3,000 naman ang naiulat na lumabas patungong Batangas Port.
Umabot naman sa mahigit 1,300 ang mga dumating na rolling cargoes at mahigit 640 ang naiulat na lumabas mula sa Calapan Port.
Samantala, maluwag at maikli ang naging pila sa ticketing area ng Calapan Port Terminal kaninang umaga, bandang 10:30 ng umaga.
Nasa 38 naman ang kasalukuyang bilang ng mga barkong bumabyahe na ayon kay Port Manager Manansala ay nakapaglalayag nang naaayon sa oras ng kanilang byahe.
Aniya pa, nakadepende sa mga shipping lines kung magkakaroon ng kanselasyon ng biyahe sa mismong araw ng kapaskuhan, ika-25 ng Disyembre, kung kaya hinikayat niya ang publiko na makipag-ugnayan sa pamunuan ng mga barko o sa kanilang tanggapan para sa anunsyo.
Siniguro rin niya na maraming tickets ang nakalaan sa nasabing Port kung sakaling dadagsa man ang mga biyahero.
Mahigpit pa rin ang seguridad sa terminal upang masiguro ng pamunuan ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero.
Inaasahan naman ang muling pagdami ng bilang ng mga pasahero matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon, kung kaya patuloy ang mas pinaigting na koordinasyon ng PPA Mindoro sa iba pang mga ahensya ng gobyerno, shipping lines, at terminal operators upang masigurong naibibigay ang maayos na serbisyo para sa mga pasahero ngayong holiday season.
Nanawagan naman si Port Manager Manansala sa publiko na iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay,siguraduhing dokumentado ang mga alagang hayop, at magpa-book ng mas maaga upang maiwasan ang pagkaantala ng byahe, lalo na ngayong holiday season.
