TINGNAN: Ginhawa at pag-asa para sa may sakit

December 17, 2025 | News by PISD

“GINHAWA AT PAG-ASA PARA SA MGA MAY SAKIT”

17 Disyembre 2025, Roxas – Dati, kailangan pang bumiyahe ni Nanay Purificacion Agustin, 69 na taong gulang ng Barangay Bagumbayan, Roxas patungong Pinamalayan para lamang sa kanyang regular na dialysis. Bilang isang dialysis patient, hindi lamang pagod ang kalaban niya kundi pati ang malaking gastusin sa pamasahe at gasolina na pasan ng kanyang pamilya sa bawat biyahe.

“Malaki po talaga ang gastos,” ani Nanay Purificacion. “Minsan iniisip ko kung saan pa kukuha.”

Ngunit nagbago ang lahat nang opisyal na pasinayaan ng Provincial Government of Oriental Mindoro, sa personal na pangunguna ni Governor Bonz Dolor, ang bagong Dialysis Center sa Oriental Mindoro Southern District Hospital noong December 11, 2025. Makalipas lamang ang isang linggo, agad na napakinabangan ng mga pasyente ang pasilidad.

Isa si Nanay Purificacion sa unang walong pasyente ang agad na naserbisyuhan ng may 10 dialysis machines ng center.

Para kay Nanay Purificacion, hindi na niya kailangan pang lumayo at lumabas ng kanilang bayan upang magpagamot. Mas malapit na ang serbisyo, mas maginhawa para sa katulad nya ang estado ng kalusugan, at laking katipiran para sa gastusin ng kanyang pamilya.

“Salamat Governor Bonz Dolor, malaking tulong po sa amin ang dialysis center na ito. Hindi na kami mahihirapan at hindi na rin gagastos ng malaki sa pamasahe,” ani ni Nanay Purificacion.

Upang makaiwas sa mga sakit at tulad niyang kailangang mag-dialysis, may mahalagang paalala siya sa kanyang kapwa Mindoreño: “Iwasan ang labis na pagkain ng processed foods at pag-inom ng softdrinks, at piliin ang mas masusustansiyang pagkain…”

Sa bagong dialysis center, hindi lamang paggamot ang inilapit sa mga pasyente, kanilang pamilya at mga mahal sa buhay, pati na ang ginhawa at pag-asa para sa araw-araw na pakikibaka laban sa mga sakitat karamdaman.

#thecapitolnews#Lathalain

Scroll to Top