December 16, 2025 | News by PISD

“LAPIS AT PAPEL”
16 Disyembre 2025, Bulalacao – Sa Brgy. Nasucob, Bulalacao, may mga kuwentong hindi kailangang isigaw upang marinig, sapagkat sapat na ang tahimik na mga ngiti at nanginginig na kamay upang madama ang bigat ng kanilang kahulugan. Sa unang dampi ng lapis sa blangkong papel, kasabay ng bawat guhit ang kaba, pag-asa, at matinding pagsisikap ng mga nais matutong bumasa, sumulat, at bumilang.
Tahimik ang paligid habang magkakatabing nakaupo ang 15 senior citizen na Katutubong Hanunuo Mangyan. Wala silang pormal na silid-aralan; sa halip, ang payak at yari lamang sa magagaan na materyales na multipurpose hall ng barangay ang nagsisilbing tahanan ng kanilang pagkatuto. Sa ilalim ng masinsinang paggabay ni Mam Noralyn Harina, isang PARATEACHER, unti-unting nababago ang kanilang mundo. Ang dating pangarap lamang ay isa na ngayong reyalidad: marunong na silang magsulat, bumasa, at bumilang. Mga kakayahang karaniwan para sa marami, ngunit para sa kanila, ito ay isang tagumpay na matagal nang ipinagkait ng panahon.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) ng Provincial Government of Oriental Mindoro, na personal na binuo ni Governor Bonz Dolor sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Services Office (PPESO).
Dahil sa programa, nabuksan ang pintuan ng kaalaman para sa komunidad ng mga Katutubong Mangyan sa Nasucob. Dati’y umaasa lamang sila sa salita at kilos upang maunawaan ang mundo, ngunit ngayon ay kaya na nilang kilalanin at unawain ang mga letra at numero, mga kasangkapang magdadala sa kanila sa mas malinaw at mas may tiyak na bukas.
Masasalamin sa kanilang mga mata ang tuwa sa bawat tamang sagot at ang pagmamalaki sa bawat salitang unti-unti na nilang nababasa. Instrumento sa tagumpay na ito ang hindi matatawarang sakripisyo ni Mam Noralyn bilang katuwang ng PGOM. Ayon sa kanya, hindi naging madali ang proseso ng pagkatuto, subalit pinairal niya ang pagmamahal at malasakit sa mga Katutubong Mangyan. Ibinahagi rin niyang gumamit siya ng sariling mga estratehiya at inisyatiba upang mahikayat at patuloy na ma-motivate ang kanyang mga learners na magpursige.
Ipinahayag ni Mam Noralyn ang kanyang labis na kagalakan sa naging bunga ng kanilang pagsisikap sa tulong ng ZIIP, kasabay ang taos-pusong pasasalamat kay Governor Bonz Dolor na patuloy na nagpapakita ng mataas na pagpapahalaga sa sektor ng mga Indigenous Peoples.
Ngayon, sa munting pamayanang ito sa Bulalacao, tahimik ngunit buong tapang nang isinusulat ng mga Katutubo ang panibagong kabanata ng kanilang buhay, isang kuwentong nagsisimula sa kaalaman at humahantong sa pag-asa.
