Luna Goco at John Paul College, kampeon sa Intercollegiate Season 3

December 13, 2025 | News by PISD

Matagumpay na nagtapos ang Oriental Mindoro Intercollegiate Sports Competition Season 3 matapos ang serye ng mga kapana-panabik na laban na ipinamalas ng mga atleta mula sa 12 pribado at pampublikong kolehiyo sa lalawigan.

Pagbati at pasasalamat sa lahat ng nakilahok at nakiisa ang ipinaabot ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor. Patuloy, aniya, ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagkakaloob ng mga ganitong programa na magsusulong ng kagalingan ng mga kabataang Mindoreno. Pinangunahan din ni Gobernador Bonz katuwang ang kaniyang maybahay Hiyas Govinda Ramos-Dolor ang paggagawad ng premyo sa mga nagwaging koponan.

Sa Basketball Men, itinanghal na kampeon ang Luna Goco Colleges matapos magpakita ng husay at matatag na depensa laban sa kanilang katunggali. Tumanggap sila ng P30,000 cash prize at tropeo. Nakuha naman ng Pola Community College ang first runner-up, habang second runner-up ang Southwestern Institute of Business and Technology. Samantala, third runner-up ang Pinamalayan Maritime Foundation and Technological College, Inc. Nag-uwi rin sila ng tropeo at cash prize na P25,000, P20,000 at P15,000 para sa first runner-up, second runner-up at third runner-up ayon sa pagkakasunud-sunod.

Sa Basketball Women, nasungkit ng John Paul College ang kampeonato matapos ang ma-aksyong laban sa koponan ng DWCC Halcons na nakakuha ng first runner-up. Nagwagi naman ang Southwestern Institute of Business and Technology bilang second runner-up at nakuha ng Calapan City College ang third runner-up. Tumanggap sila ng tropeo at cash prize na P20,000 para sa champion, P15,000 para sa first runner-up, P12,000 para sa second runner-up, at P10,000 para sa third runner-up.

Samantala, sa Volleyball Men, nasungkit ng Divine Word College of Calapan ang kampeonato. Itinanghal namang second runner-up ang Luna Goco Colleges, habang third runner-up ang John Paul College.

Sa Volleyball Women, kampeon ang Mindoro State University (MinSU) – Calapan City Campus. First runner-up ang Pinamalayan Maritime Foundation and Technological College, Inc., second runner-up ang Divine Word College of Calapan, at third runner-up ang John Paul College.

Ang mga nagwagi sa volleyball men at women ay nag-uwi ng tropeo at cash prize na ₱23,000 para sa kampeon, ₱18,000 para sa first runner-up, ₱13,000 para sa second runner-up at ₱8,000 para sa third runner-up.

Ang gawain ay pinangasiwaan ng Governor’s Office – Special Concerns Division (GO-SCD) sa pamumuno ni GO-SCD Chief Junielo Alcuran.

#thecapitolnews

Scroll to Top