December 11, 2025 | News by PISD

Nagliwanag ang Capitol in the South (CITS) sa Roxas nang buksan ang mga pailaw sa Salong Dagitab 2025 kasabay ng sorpresang hatid ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor para sa mga bata ngayong gabi.
Bagama’t biglaang bumuhos ang ulan, tuloy ang masayang pagbubukas ng mga makukulay na parol, Christmas tree, at iba pang mga pamaskong dekorasyon sa harap ng gusali ng CITS na nagningning sa madilim na gabi.
Bukas sa publiko ang pagbisita upang saksihan ang mga nasabing pailaw tuwing gabi.
Samantala, naging tampok din sa pagdiriwang ang pagpapasaya ng Gobernador at ni First lady Hiyas Govinda-Dolor sa mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga regalo at pagkain tulad ng cotton candy, ice cream, at popcorn.
Nagpakita rin ng mga magic tricks si Idol the Magician at masayang kantahan naman ang hatid ng Alona band.
Pinangasiwaan ang programa ng Provincial Tourism Office na pinamumunuan ni Dr. Dhon Stepherson Calda, katuwang ang mga kawani ng CITS.
Dumalo rin upang magpakita ng suporta sina Sangguniang Panlalawigan Board Member Jomarc Philip Dimapilis at Roxas Mayor Jerwin Dimapilis, kasama ang mga Sangguniang Bayan Members.
