Mahigit 500 pamilya sa Roxas, benepisyaryo ng food packs

December 11, 2025 | News by PISD

Mahigit 500 pamilya mula sa 12 Sitio sa Barangay San Mariano, Roxas ang nahandugan ng food packs ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong araw.

Kabilang ang mga residente sa nakaranas ng pagbaha na epekto ng pagtaas ng katubigan sa mga ilog dulot ng malalakas na mga pag-ulan na hatid ng pinagsamang Low Pressure Area at Shear line.

Pinangunahan ang distribusyon ng mga food packs ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunuan ni PSWD Officer Zarah C. Magboo, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinangangasiwaan ni PDRRM Officer Vinscent Gahol.

Nakatanggap ang mga residente ng bigas na may kasamang mga de lata at kape.

Sa ngalan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, itiniyak ni Sangguniang Panlalawigan (SP) Board Member Jomarc Philip Dimapilis ang kalinga at suporta ng Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang SP para sa bayan ng Roxas sa panahon ng kalamidad.

Naghatid naman ng mensahe ng pasasalamat sina Roxas Mayor Jerwin Dimapilis kasama ang ilang Sangguniang Bayan Members, at San Mariano Barangay Captain Ramel S. Emono sa PGOM sa malasakit at kagyat na tulong na ito na anila’y malaking tulong para sa mga residente.

#thecapitolnews

Scroll to Top