December 11, 2025 | News by PISD

Pormal nang binuksan ang bagong Dialysis Center sa Oriental Mindoro Southern District Hospital (OMSDH) sa Barangay Odiong, Roxas ngayong ika-11 ng Disyembre.
Pinangunahan nina Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, Unang Ginang Hiyas Govinda Ramos-Dolor, Provincial Health Officer II, Dr. Cielo Angela A. Ante, OMSDH Chief Dr. Jocel Caranzo, Board Member ng Ikalawang Distrito, Bokal Jomarc Philip Dimapilis, at Roxas Mayor Jerwin Dimapilis ang ribbon-cutting ng naturang pasilidad.
Ito na ang ikatlong (3) Dialysis Center ng Pamahalaang Panlawigan na kung saan matatandaan na ang kauna-unahang pasilidad nito ay naitayo sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) noong taong 2023 sa Lungsod ng Calapan at ang isa pa ay sa Oriental Mindoro Central District Hospital (OMCDH) noong 2024 sa bayan ng Pinamalayan. Sa dalawang naunang naitayong pasilidad, libong sessions na ang naisagawa sa mga nangangailangang pasyente ng lalawigan.
Ang serbisyong hatid ng pasilidad na ito ay libre para sa lahat ng mga may sakit sa bato na mga mamamayan ng bayan ng Roxas hanggang Bulalacao. Bukod dito, maaari ring magsagawa ng treatment sa mga pasyenteng may Hepatitis dahil mayroon itong dalawang (2) isolation space para tugunan ang kanilang karamdaman.
Layunin nitong maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga pasyenteng karaniwang gumagastos nang malaki para sa pangmatagalang treatment ng dialysis.
Maagang pamaskong regalo naman ang pagbubukas ng pasilidad na ito para sa unang tatlong (3) mapalad na pasyente na sasailalim sa libreng dialysis procedure.
Samantala, masayang ibinalita ni Gobernador Dolor na isusunod na rin ang konstruksyon ng Dialysis Center sa Bulalacao Community Hospital (BCH) at Naujan Community Hospital (NCH) upang ang lahat ng mga pampublikong ospital sa lalawigan ay malagyan na ng kani-kanilang Dialysis Center. Ito ay upang higit pang mapalawig ang mga programang pangkalusugan na tutugon sa mga kinakailangang gamutan ng maraming mga mamamayan ng lalawigan.
Ayon pa sa Gobernador, nakatakda na ring pasimulan ang konstruksyon ng Regional Hospital sa susunod na taon na kung saan ang mga espesyal na karamdaman na nangangailangan ng espesyal na gamutan ng mga mamamayan sa rehiyong MIMAROPA ay matutugunan at hindi na kinakailangan pang dalhin sa mga ospital sa Maynila.
Bunga ito ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na mailapit ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugang kinakailangan ng mga mamamayan.
