December 10, 2025 | News by PISD

MAHIGIT Php 59.8M HALAGA NG SUPORTA, KALOOB NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, DA AT PHILMECH SA SEKTOR NG AGRIKULTURA
10 Disyembre 2025, Victoria – Sa selebrasyon ng Farmers and Fisherfolk’s Day, umabot sa Php 59,856,516.00 ang halaga ng pinagsamang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, Department of Agriculture (DA), at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), upang higit pang palakasin ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura at suportahan ang mga magsasaka at mangingisdang Mindoreño.
Mula sa naturang halaga, mahigit Php 27M ang inilaan na mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng administrasyon ni Governor Bonz Dolor.
Laan ang pondo sa iba’t -ibang programang pang-agrikultura tulad ng farm mechanization, post-harvest facilities, production support, at mga suportang layong pataasin ang ani, bawasan ang gastusin, at palawakin ang kabuhayan ng 326 miyembro ng farmers’ cooperatives and associations (FCAs).
Binigyang-diin ni Gob. Dolor ang kahalagahan ng wastong paggamit ng mga ipinagkaloob na tulong.
Aniya, “Pinagsisikapan nating maipagkaloob ang inyong mga pangangailangan… Makakaasa kayo na may gobernador kayong ang no. 1 sector, ay ang sektor ng agrikultura.”
Patuloy namang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ang PhilMech sa paghahatid ng mga makabagong makinarya at pasilidad upang maging mas episyente ang operasyon sa bukid.
Samantala, tinitiyak ng DA ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng ayuda, teknikal na pagsasanay, at iba pang mga programang naglalayong palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain.
Lubos namang nakasuporta sa programa ang Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Antonio Perez, Jr., kasama sina Board Members Atty. Fay Ilano-Navarro, Alely Casubuan-Tan, Ryan Arago, at Atty. Jom Dimapilis.
Ayon kay Vice Gov. Perez, “Ang PGOM ay binibigyang halaga ang sektor ng mangingisda at magsasaka. Alam kong malaking tulong ito para sa inyong lahat, at kami sa SP ay tuluy-tuloy na naghahanap ng solusyon sa inyong mga problema.”
Maint namang tinanggap ni Mayor Richard Inciong at Provincial Agriculturist Christine Pine ang mga magsasaka, mangingisda, at panauhin, at pinuri ang Kapitolyo sa matagumpay na paghahatid ng mga biyaya gawain na bahagi pa rin ng mga malalaking inisyatiba ni Governor Dolor kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Sa huli, nagpasalamat at kinilala ng mga kinatawan ng mga magsasaka ang malalaking inisyatibang ito ng PGOM sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office, PHilMec at DA.
