December 7, 2025 | News by PISD

Pasisimulan na ang Auditorium sa bayan ng Pola matapos isagawa ang Groundbreaking ceremony ng proyekto ngayong araw.
Sa kabila ng pabugso-bugsong buhos ng ulan, ginanap ang programa sa pangunguna ng Provincial Tourism Office na pinamumunuan ni Provincial Tourism Officer Dr. Dhon Stepherson Calda.
Bahagi ang Php50M ng “One-Town, One-Legacy” program ng administrasyon ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor sa lalawigan.
Ang auditorium ay maaaring magamit ng mga Poleño para sa mga mahahalagang programa ng bayan, pagtatanghal, at malakihang pagtitipon.
Ipinagmalaki naman ng Gobernador ang magandang disenyo ng proyekto, at ang malaking kapakinabangan nito para sa mga residente ng nasabing bayan.
Aniya pa, bagama’t may maliliit na proyektong naisagawa at patuloy na isinasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan sa bawat barangay, higit din niyang pinagtutuunan ng pansin ang pagpapatayo ng malalaking proyekto para sa bawat bayan upang mas maraming mamamayan ang makinabang.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat nina Pola Mayor Jennifer “Inah Alegre” Cruz na nagdiriwang din ng kaniyang kaarawan kasabay ng Groundbreaking ceremony at Vice Mayor Leandro M. Panganiban Jr. sa nasabing proyekto.
Ayon kay Mayor Cruz, isa sa pinakamasayang araw ng pagdiriwang ng kaniyang kapanganakan ang naganap ngayong taon dahil isang malaking regalong proyekto ang natanggap ng kaniyang bayan na malaking biyaya para sa mga Poleño.
Bago matapos ang programa, binasbasan ang pagtatayuan ng proyekto ni Fr. Marlon Labay ng St. John The Baptist Parish.
Sinundan ito ng makasaysayang capsule-laying ceremony na tanda ng pagkakaisang maitayo ang proyektong magsisilbing tahanan ng sining, kultura, at mahahalagang programa para sa bayan ng Pola.
Dumalo naman sa gawain sina Administrator Gilbert Cruz, Office of Transportation Security (OTS) of DOTR na asawa ni Mayor Cruz, Sangguniang Panlalawigan Board Members Ryan Arago at Marion Marcos, Mayor Allan Roldan, Mayor Rodel Magsino, Mayor Teresita Ong, Mayor Ronaldo Morada, Mayor Mike Malaluan, Vice Mayor Aris Baldos, Sangguniang Bayan Members ng Pola, at iba pang sumusuporta sa gawain.
