DMW MIMAROPA National Reintegration Network Serbisyo Caravan, matagumpay na naisagawa

December 5, 2025 | News by PISD

Naging matagumpay ang kauna-unahang National Reintegration Network Serbisyo Caravan ng Department of Migrant Workers (DMW) MIMAROPA na ginanap sa Calapan Convention Center, Brgy. Tawiran, Calapan City, ika-5 ng Disyembre.

Katuwang ang iba’t- ibang ahensya ng pamahalaan, layunin ng aktibidad na ito na makapaghatid ng komprehensibong suporta, tulong, at impormasyon sa mga returning Overseas Filipino Workers (OFW) na nagnanais makapagsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay sa Pilipinas.

Tinatayang nasa 800 returning OFW mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro, kasama ang kanilang mga kapamilya, ang dumalo sa naturang caravan. Sa pamamagitan nito, mas malinaw na naipaliwanag sa kanila ang kabuuan ng reintegration services kabilang na ang may kaugnayan sa pangkabuhayan, psycho-social support, legal assistance, livelihood programs, at iba pang mga oportunidad.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat sina.Judy Ann Red ng Puerto Galera at Sulficio Alvarez ng Pinagsabangan, Naujan sa DMW dahil sa mga programang nagbibigay suporta sa kanila. Ayon sa kanila, malaking tulong ang pagkakaroon ng malinaw at agarang access sa mga serbisyo at impormasyon mula mismo sa mga ahensyang may mandato para sa kapakanan ng sektor ng OFW.

Kinilala ni NCRO Director IV Andrea Luisa Anolin ang malaking ambag at sakripisyo ng OFW higit para sa kanilang kapamilya.

Sa pahayag naman ni DMW Regional Director Dr. Carlo B. Villaflores, hindi nag-iisa ang DMW sa pagtupad ng mandato nito. Aniya, may mahigpit silang ugnayan sa maraming partner agencies upang masiguro na napapangalagaan ang kabuuang kapakanan ng mga nagbabalik na OFW.

Ang ipinagkakaloob na pangkabuhayan assistance ay isa lamang sa maraming programang maaaring mapakinabangan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Kasabay ng Serbisyo Caravan, tampok din ang iba’t ibang serbisyo mula sa National/Regional Reintegration Network kung saan kaanib ang OWWA, DOST, DOLE, DICT, DOT, DTI, TESDA, DSWD, DA, Departnment of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), SSS, Pag-IBIG, PhilHealth, at iba pang ahensyang may mahalagang papel sa seguridad, kabuhayan, at kalusugan ng mga OFW.

Bilang dagdag na suporta sa ekonomiya ng mga returning workers, ipinagkaloob din sa kanila ang pagkakataong makibahagi sa mini trade fair, kabilang ang “Buy Local, By OFWs Corner,” gayundin, ang mga trade skills demonstration at local job fairs para sa mga naghahanap ng lokal na trabaho o nais magtayo ng negosyo.

Nagbigay naman ng makulay at masiglang pagtatanghal ang Buaywa Folkloric Dance Troupe dancers mula sa Oriental Mindoro National High School (OMNHS). Ang kanilang performance ay nagsilbing pagdiriwang ng kultura ng lalawigan at ng muling pag-uwi at pagbangon ng mga OFW na patuloy na itinuturing na makabagong bayani ng bansa.

#thecapitolnews

Scroll to Top